Sa Kubyerta, este Kubeta
Madaming kwento ang bumabalot sa nayon ng Sulapiya. Isa na dito ang haka haka tungkol sa maalamat na Superhilot. Ang alamat ng superhilot ay hindi masyadong sikat sa mga taganayon pero ayon sa mga matatanda, ito daw ay totoo. Sa isang pag uusap sa harap ng tae ng kalabaw,
“tsong go! Tsong go! Tsong go!”, sabi ni Pedro isang batang chismoso.
“ano ka ba naman pedro! Tigilan mo na nga ang pagtawag sa kin na ‘tsong go’ ang sama kasi pakinggan eh. Bakit ba?”, sabi ni Inggo ang kapitan ng barangay Sulapiya.
“tsong Inggo! Usap usapan po sa kanto ang istorya tungkol sa alamat ng Superhilot. Totoo po ba yun?”, paharas na tanong ng bata sa tiyuhin niya.
“alam mo tutoy, wag kang masyadong magpapaniwala diyan sa mga alamat na yan, wala yang katotohanan. Di ba sabi sa alamat na magkakaroon ng kapangyarihan ang isang manghihilot at ililigtas nito ang buong mundo sa mga masasamang loob? Pedro, si Ikme lang ang manghihilot sa ating nayon. Alangang sya ang Superhilot??? Mag isip ka nga!!”, patawang galit na sinabi ni Inggo habang kumakain ng mais con yelo.
“oonga no? antanga ko talaga. Sabagay antanda tanda na ni Mang Ikme para maging superhero. Sayang, sana kung totoo yun ako na lang ang maging Superhilot! Hagush hagash! Tagshing! Bruuuut bruut!”, nagtatakbo na palayo si Pedro at nakipaglaro sa mga uhuging kaibigan na lumilinya ang number 11 sa nguso.
Itinuloy na ni Inggo ang pagkain ng mais. Habang kumakain siya ng mais ay napadaan si Aling Puring. Si Aling Puring ay napakamaalamat na tao. Siya ang nagpapasimula ng mga haka haka sa mga bata duon sa nayon.
“hoy! Aling Puring! Ano po ba ang mga pinagkwekwento niyo sa mga bata dito sa Sulapiya?”, galit na tanong ng kapitan.
Hindi sumagot si Aling Puring. Nagdederetso siya ng lakad at nagsasalita ng walang kausap. Hindi niya pinansin ang sigaw ng kapitan. Siya ay patungo sa bahay niya sa masukal na bahagi ng Sulapiya, dun sa tinatawag nilang Pukangkeng. Ang baho ng pangalan ng lugar. May katunog. Haha.
Si puring at si tomas
Umuwi na ng bahay ang matanda. Napapagkamalan siyang mangkukulam dahil sa kung ano anong mga kwento niya. Isang araw napatingin siya sa pader nila. Bukod sa mga ipis na gumagapang at sa maasngaw niyang panty na nakasabit sa pader, ay napansin niya ang larawan nila ni Tomas. Si Tomas ang nasirang asawa ni Puring. Mahal na mahal siya ni Puring. Ang balita daw ay kinuha siya ng tikbalang na bakla nung minsan siya’y nangahoy sa kagubatan. Ang iba naman ay nagsasabing namatay daw siya sa gutom kasi naligaw. At ang iba ay nagsasabing nagtae daw siya at namatay sa baho. Madaming explenasyon pero wala siyang pinaniwalaan. Ang inisip na lang niya ay masaya si Tomas kung san man siya naroroon.
Alas tres ng hapon, lunes. Habang naghahalukay siya sa kanyang baul ay nakita niya ang mga ‘love letter’ ni Tomas. [nakakakilig naman]. Binasa niya ito ng malakas na malakas kahit wala namang nakakarinig. [para siyang tanga]
“DEAR PURING,
Gusto kong ipaalala sa yo na mahal na mahal kita. Halos hindi ako makahinga kapag hindi kita nakakasama. Tumitingin ako sa langit at nasasambit ko ang mga katagang ito “mahal kong Nikki, este Puring naandito lang ako para sa yo”. Kahit malayo ka ay susuungin ko ang dagat tatawirin ko ang bundok. Susundan ko ang hangin at lalabanan ang mga NPA. Para lang makasama ka. Pasensya ka na kung minsan para akong tanga. Pero sana maintindihan mo na minamahal lang kita. J ako’y nananabik na makasama kang muli. Namimis ko na ang iyong matamis na halik at ang yakap mong kay lamig. Sana magkita na tayo kasi mis na mis na kita. Tandaan mo andito lang si Ceazar, este si Tomas para protektahan ka. Mahal na mahal kita.