"I love you so much Ligorio Youngstown Jr.!"
Napatingin ang lahat ng taong naglalakad sa isang foot-bridge sa EDSA sa babaeng sumisigaw habang nakatingin sa malaking billboard ng Bench Inco.
Karamihan sa kanila ay napatulo na rin ang laway dahil sa nag-aalab na kakisigan ng bagong modelo ng underwear ng nasabing kompanya, na isa ring sikat na soccer player na miyembro ng Pusakalz.
"Halikan mo lang ako, isusuko ko na ang bataan," sigaw pa ng isang matabang estudyanteng babae.
"Ako, mahal kong Ligorio, kausapin mo lang ako ibibigay ko pati buhay ko!" litanya pa ng isang bakla.
Sa kabila ng pansamantalang pagtigil ng mundo ng mga taong baliw na baliw kay Ligorio Youngstown Jr., may isang babae ang hindi alintana ang kaguluhang nagaganap.
"Pangako po, 'Nay, pagbalik ko sa 'tin ay ipagmamalaki n'yo rin ang kagandahan ko..." buong kagalakan niyang sabi sa hawak na larawan ng kanyang ina at tatlong nakakabatang kapatid. "Sasabihin n'yo ring ako ang gandang 'di n'yo inakala."
Halos kararating lang niya sa Maynila ngunit i-t-inext agad siya ng kanyang ina na 'wag na 'wag babalik hanggang hindi siya yumayaman. Gawin na raw niya ang lahat para makabingwit ng tatlong M o matandang mayamang madaling mamatay kahit pa pinagkaitan siya ng kagandahang hindi mo inakala.
"'Nay, babalik ako at dudurugin ko ang mga taong umapi sa 'kin!" gigil niyang sabi sabay taas ng kanyang kanang kamay.
Napalakas ang kanyang sigaw kaya naging agaw-eksena siya. Halos lahat ng tao ay napatingin sa kanya, na para bang kakainin siya nang buhay.
"Soo---rry po..." nahihiya niyang sabi habang unti-unting umaatras. Nang hindi pa rin matinag ang kanilang mga mata ay kumaripas na siya ng takbo palayo.
Nasa kabilang kalye na siya nang maalaala niyang maling direksyon pala ang napuntahan niya.
"Sa'n nga ba 'ko pupunta?" kamot-ulo niyang tanong sa kanyang sarili. Kinakalkal niya ang kanyang bayong upang hanapin ang address na ibinigay ng kaibigan niya pero hindi niya ito makita. "Emeyged, pa'no ko makakapunta sa haybol na pinagtatrabahuan ni Gigi?"
Nanlulumo siyang napaupo sa gilid ng kalsada dahil hindi niya na magagamit ang cellphone niyang pamato sa piko para kontakin si Gigi dahil dedbol na ang baterya nito.
"Ang malas-malas ko talaga!" sigaw niya habang hinahampas sa kalsada ang kanyang magaspan na ring palad. "Magpakamatay na lang kaya ako para matapos na ang kamalasan ng buhay ko?"
Mabilis siyang tumayo at tumakbo patungo sa gitna ng kalsada upang isakatuparan ang kanyang gintong ideya.
"Hoy, baliw 'wag kang mandamay!"
"Do'n ka sa tulay tumalon!"
Ilang minuto niyang ininda ang sikat ng araw ngunit nabigo siya sa kanyang binabalak. Dinadaanan lang siya ng mga sasakyan at sinigawan ng mga drayber nito.
"Malulusaw ka lang d'yan pero walang sasassa sa 'yo!" natatawa pang pambubuska ng isang babaeng pasahero ng jeep.
Napahiya lang siya sa kanyang ginawa kaya dahan-dahan siyang naglakad paalis doon. Palapit na sana siya sa gilid ng kalsada nang mapansin niya ang isang lalaking mababangga ng kotseng parating.
"Ako na lang ang sagasaan mo!" sigaw niya sabay tulak sa lalaking iyon kaya siya ang nabangga ng suwerteng dumating!"LIGTAS na po ang pasyente, sir. Konting mga galos lang ang tinamo niya..."
"Mabuti naman, Dra. Biong."
"Kaano-ano n'yo po ba ang babaeng 'yan? Asawa n'yo? Girlfriend n'yo? O baka nabuntis n'yo lang?"
Ang nakabusangot na mukha ng matandang lalaking kausap ng isang doktora ang unang nasilayan ni Sharon Quobeta nang siya ay magkamalay. Hindi na nito pinansin ang mga sinasabi ng doktora dahil lumapit agad ito sa kanya.
"Kamusta ka na, hija?" usisa nito habang hawak ang kanyang kanang kamay. "Pasens'ya ka na dahil hindi ka napansin ng taran-tad---tahin kong drayber," paliwanag pa nito.
"O-okay na---" Natigilan siya sa pagsasalita nang maisip niya ang habilin ng kanyang ina. "S-sino po kayo? Na-nasa'n ako? Ano'ng nangyari sa 'kin?" sunod-sunod niyang tanong na nagpalaki sa mga mata ng matandang lalaki.
"Dok, mukhang nagka-amnesia yata siya," konklusyon agad nito, na bakas na bakas ang pagkabahala sa mahaba nitong mukha.
"Siguro nga po, sir. Kayo kaya ang tumalsik ang katawan at mauntog ang ulo sa semento..." natatawang paliwanag ng doktora.
Natahimik ang matandang lalaki dahil naisip niya na malaking eskandalo ang posibleng kahihinatnan ng pangyayaring ito. Siguradong masisira ang magandang reputasyon ng kanilang pamilya. Ano na lang ang sasabihin ng mga kapuwa niya abogado sa oras na pabayaan niya ang dalaga?
"Okay, dok, iuuuwi ko na lang siya sa mans'yon ko. Doon siya titira hanggang sa gumaling siya," giit niya habang nakatingin sa dalagang nakatulala na sa kisame.
"Kung 'yon po ang plano n'yo, aayusin ko na ang mga papeles niya rito," sagot ng doktora saka ito lumabas sa kwartong iyon.
Lihim na napangiti si Sharon dahil sa unti-unting katuparan ng kanyang mga plano. Gagawin niya ang lahat upang mapaibig ang matandang mayamang nakabunggo sa kanya.
"Ano'ng pangalan ang itatawag ko sa 'yo?" kamot-ulong tanong nito sa kanya.
Hinubad niya ang suot niyang simpleng kuwintas na gawa itim na sinulid at ipinakita ito sa matanda.
"Mega? Mega nga siguro ang pangalan mo," sabi nito nang mabasa ang pangalang nakaukit sa bilog na palawit ng kanyang kuwintas.
"S-salamat po," aniya sabay hawak sa kamay nito habang pumipilantik pa ang kanyang mga pilik-mata. Sisimulan na niya ang pag-akit sa matandang ito na magiging daan ng malaking pagbabago sa kanyang buhay.Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Oh, My Sardin!
HumorSubaybayan ang pakikipagsapalaran ng isang dalagang may angking ganda na hindi mo inakala... 'Oh, My Sardin!' ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro