Ang Sikat at Liwanag ng Umaga

211 3 2
                                    

Eto na naman at muli kong makikita ang pagsikat ni Haring Araw. Nandito ako ngayon sa may Palengke ng Tayabas, sa may tindahan ng karne at isda. Dito ko lang kasi napagmamasdan ang maaliwalas na sikat ni Haring Araw. Dito ako kalimitan nakatayo sa pang-limang stall sa may dulo ng second floor kung saan matatanaw din ang Paaralan ng Elementarya.

Ngunit sa araw na ito bakit parang hindi ko masisilayan ang liwanag ng umaga. Bakit kaya parang may kakaiba akong nararamdaman na hindi maganda? May kung anong nagbabadya na hindi ko maunawaan. Pero hindi pa rin ako umalis at mainam na nag-antay. Ayan na at malapit na, nagkakaroon na ng ngiti sa aking mga labi. . .

At biglang bumuhos ang ulan....

Hindi ko alam pero parang ang bilis ng pangyayari. Akala ko masisilayan ko ng muli pero bakit hindi na naman.

Wala na akong ibang nagawa kundi ang magdesisyong umuwi na lamang at manood ng telebisyon. Marahil ay nakahanda na rin ang agahan na luto ni Mama. Sa aking pagbaba ng palengke ay may nakapukaw ng aking pansin isang matanda na babae na parang nasa edad na ng senior citizen. Nakaupo siya sa tabi ng hagdanan. May nakalatag na pulang tela at doon siya nakaupo. Sa kanang kamay niya ay may hawak na lata ng sardinas at kinakalansing ito. Namamalimos siya. Nalungkot ako bigla. Naawa sa kalagayan niya. Wala na ba siyang pamilya? Saan siya napunta matapos mamalimos?

Dahil sa wala akong dalang payong napagdesisyunan kong sumugod sa ulan at hayaan na mabasa tutal ako naman ay maliligo na rin. Sa aking pagtakbo aking napuna ang lalaking nagbibisikleta at sumisigaw ng "bakal bote!" Napakalakas ng ulan pero nakakapote lang siya na gawa sa plastic ng basurahan. Papaano kaya kung wala siyang makolekta na gamit? Papaano kaya sila kakain ng kanyang pamilya sa araw ito? Napatigil pala ako ng matagal at napansin ko na lang na nakatingin na rin sa'kin ang naghahanap ng bakal at bote.

Nakarating ako sa'min na basang-basa. Hindi naman ako pinagalitan ni Mama dahil alam naman niya kung saan ako nagpupunta tuwing umaga. Naligo na ako at kumain. Nagbihis ng uniporme at pumasok sa eskwelahan. Natanong ko sa isip ko, bakit kaya napaka pansinin ko sa mga tao ngayon. Nakatuon naman ang atensyon ko sa isang lalaki na nag-aalok ng repair ng payong o sapatos. Kagaya ng ilan hindi nito iniisip kung malakas ang ulan tutal meron naman siyang payong na dala kaya siguro ayos lang.

Natapos ang walong oras na na pamamalagi ko sa eskwelahan kaya naman ganoon na lamang ang aking kasiyahan dahil uwian na. Pagkadating ko sa bahay nakita kong tulog na si Papa, marahil ay napagod sa trabaho. Si Mama naman nandoon sa may katabi ni papa at naglalaro ng baraha (solitaire). Nilapitan ko si Mama at nagmano ako. Kinuwentuhan ko siya ng buong nangyari sa eskwelahan at ang mga napuna ko sa araw na ito.

BALOT....PENOY..     narinig namin sa labas ng bahay...

Sa mga bagay at mga pangyayaring naibahagi ko eto ang sabi sa'kin ni Mama:

"Anak, ganyan talaga ang buhay ng tao. Lahat nakakaranas ng hirap. Lahat may naisin sa buhay. Ang mga taong nakita mo kanina ay mga pawang tao na ginagawa ang lahat may maipantaawid gutom sa mga kumakalam na sikmura. Pero hangga't mabuti at nasa marangal kang trabaho hindi mo ito dapat ikahiya. Mas mahalaga ang reputasyon at kung ano ang nakikita sa'yo ng Panginoon natin. Anak, kaya ikaw pagbutihin mo ang pag-aaral mo. Dahil pag-aaral ang tanging kayaman na maibibigay namin sa'yo ng Papa mo. Maging mapagpasalamat ka sa kung anong meron tayo ngayon.  Sige na magbihis at kumain ka na."

Sa usapan naming iyon ni Mama naliwanagan ako ng husto. Nagdasal ako sa Panginoon at natulog ng may ngiti sa mga labi. =)

Kinabukasan, dali-dali akong nagbihis at sa palengke muli ay nagtungo. Naramdaman kong makikita ko ngayon si Haring Araw. Tumakbo ako ng mabilis at sa may hagdanan ng Palengke paakyat sa second floor ay muli kong nakita s Lola. Dumukot ako ng pera mula sa'king bulsa at inihulog ko sa lata niya. Bago pa ako makaakyat ay narinig ko ang isang matamis na "SALAMAT" mula sa kanya.

Nakatayo ako ngayon sa paborito kong pwesto. Eto ang buhay ng bawat tao. Dumadaan sa pagsubok. Tinitingnan kung gaano tayo katatag. Pagsubok na laan sa atin para labanan. Eto ang Sikat at Liwanag ng Umaga. Aking nakita. Kasabay sa pagdampi ng init sa'king balat ay ang ngiti na namutawi sa 'king mga labi.

Ang Sikat at Liwanag ng UmagaWhere stories live. Discover now