ANG MAIKLING PAGLALAKBAY NG ISANG IPIS
Palabas na mula sa makipot, madilim at mabahong lagusan si Inang Ipis ng bigla siyang tawagin ng kaniyang panganay na anak.
"Nay! Ako naman po kaya ang maghanap ng pagkain? Kaya ko na naman po eh! Malakas ako at madadala ko 'yon dito ng walang kahirap-hirap. Madali na po 'yon dahil---."
"Hindi na, ako na. Bantayan mo na lang ang mga kapatid mo diyan at baka kung mapano ka pa kapag pinayagan kita," pagputol at sagot ni Inang Ipis. Mababakas sa mukha nito ang pagtutol sa anak.
"Pero 'nay, ako na po. Payagan ninyo na 'ko dahil kaya ko na naman po. 'Di ba noong nakaraang linggo ay sinamahan ko kayo sa kusina ng mga Ramos para makakuha ng pagkain? Kayang-kaya kong pumunta ulit doon dahil nakatitiyak ako na ligtas ako roon. Sige na po 'nay, sige na," pangungulit nito.
"Iniisip ko lang din ang kalagayan ninyo 'nay dahil kanina pa kayo walang pahinga sa paghahanap ng makakain. Mabuti pa't sabayan ninyo na sila bunso na magpahinga," dugtong pa nito.
Walang nagawa si Inang Ipis. Imbes na marindi sa paulit-ulit na suhestiyon at pangungulit ng kan'yang anak, pumayag na lamang ito labag man sa kaniyang kalooban. Nakaramdam na rin kasi ito ng matinding pagod sa paghahanap ng makakain ng kaniyang pamilya buhat kanina.
Pinagsabihan pa niya ito sa huling pagkakataon ngunit hindi ito nakaapekto rito. Buo na ang loob nito.
Nag-aalinlangan siyang tumango at saka nagbigay ng ilang mga paalala.
"Hay, oh sige. Panalo ka na. Basta't tandaan mo ah? Mag-iingat ka roon. Tumingin ka sa kaliwa't kanan mo at baka may makaapak sa 'yo. Mahirap na't baka mapahamak ka."
Matapos noon, mabilis na tinungo ng panganay na ipis ang kusina ng mga Ramos. Gaya nang sinabi nito kanina, kabisado nito ang daan kung kaya't mabilis siyang nakapunta roon. Gamit ang malinaw na paningin, tiningnan niya ang buong paligid. Nakita niya ang isang bagay na tiyak na makakapawi sa gutom nilang mag-iina sa araw na iyon. May mga langaw pa ang paikot-ikot sa kung anong bagay doon na nakalagay sa ibabaw ng mesa.
Dahil sa hindi niya alam kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito, minabuti niyang gamitin ang sariling pakpak. Ikinampay niya ang mga ito at tinungo ang lugar na iyon.
Ngunit bago pa niya ito matunton, isang nakabibinging tili mula sa isang dalaga ang pumaloob sa bawat sulok ng silid na kaniyang kinalalagyan.
"Ihhhhh! Papa may lumilipad na ipis!"
Sa paglingon niya sa dalaga ay isang rumaragasang tsinelas ang tumapos sa kan'yang buhay.
Mainam na tumulong sa ating mga magulang. Ngunit, nararapat lamang nating tandaan na kailangan pa rin natin ang kanilang gabay at patnubay sa mga bagay na ating gagawin.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Cerita PendekLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions