TATLO
ISA, dalawa, tatlo. Tatlong magkakapatid kayo. Apat, lima, anim, pito. Sa lumipas na pitong araw, lansangan ang tinatawag ninyo na tahanan. Walo, siyam, sampu. Sampung taon ka lang ngunit dalahin mo ay kaybigat.
Araw-araw. Tuwi-tuwina ika'y balisa at hindi mapalagay. Sa lumipas na mga araw, laging takbo ng iyong isipan, "Paano ko lalamnan ang kumakalam na sikmura ng mga kapatid ko?"
Ipinanganak kayo na nahahanay sa pinakamababang miyembro ng lipunan. Ang inyong ina ay isang pabaya- iresponsable. Sa katunayan nga'y iba-iba ang ama ninyong magkakapatid. At tulad ng mga kuting sa lansangan, kayo'y tuluyan niya nang iniwan at inabandona.
Pinabayaan.
"Nagugutom na ako," bulong ng nakababata mong kapatid.
"Ako rin," dugtong pa ng bunso ninyo.
Habag ang agad na umiral sa iyo nang mamasdan mo ang kalagayan ng iyong mga kapatid. Halos buto't balat na ang mga ito. Ilang araw na rin ba ang lumipas nang huli kayong nakatikim nang matinong pagkain? Hindi mo na alam. "H'wag na kayong mag-alala. Ako nang bahala."
"MAGNANAKAW! Tulungan ninyo ako. Magnanakaw!"
Tagaktak na ang malapot na pawis sa buo mong katawan. Kahit palubog na ang haring araw ay damang-dama mo ang kakaiba nitong init sa iyong balat. Pagod ka na ngunit kailangan mong magmadali. Hindi upang iligtas ang iyong sarili kundi para sa iyong mga kapatid. Malapit nang kumagat ang dilim at pabalik ka pa lamang upang maghatid ng pagkain na siya ninyong pagsasaluhan.
"Hulihin ninyo! Magnanakaw iyan! Magnanakaw!"
Agad na napahinto ka nang mabunggo mo ng 'di sinasadya ang isang pamilyar na mukha. Ang iyong ina. May kasama siyang matandang lalaki na noon mo lamang nakita.
Napangiti ka. Isang mapaklang ngiti.
"Anak, kumust-" Nang maramdaman mo ang kamay niya sa iyong balikat ay agad mo iyong pinalis. Hindi ka umimik bagkus ay tinapunan mo lang siya ng isang tingin na nangungusap. Gustuhin mo man siyang sumbatan at magalit sa kanya nang lubusan ay hindi mo magawa. Mahal mo pa rin siya bilang ina sa kabila ng kanyang pagkukulang at kapabayaan. Subalit hindi rin maikubli ng iyong mga kilos at galaw ang galit na unti-unting nabuo sa mga lumipas na araw.
"Ipagdarasal ko na maging masaya ka sa pinili mong buhay. Sana ay makita mo na ang kaligayahan at kapayapaan na hindi mo nakita sa aking ama... Inay." Pagkuwa'y tumalikod ka na. Ramdam mo sa iyong sarili na kapag tumagal pa ang pag-uusap ninyo ay pipilitin mo lang siyang umuwi at balikan kayo. Na siyang dapat.
Ayaw mo na. Sumusuko ka na. Pagod na pagod ka na sa mabigat na responsibilidad na naiwan sa iyo bilang panganay. Napakaraming bagay na ang nagawa mo na hindi mo sukat akalain na kaya mo pala. Ayaw mo nang magnakaw muli malamnan lang ang kumakalam ninyong tiyan. Ayaw mo na. Ayaw mo nang dagdagan pa ang mga kasalanan na nagawa mo na.
Bago ka pa man makalayo nang husto sa iyong ina ay may muling humawak sa iyong balikat. "Sumama ka sa amin, bata."
Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong armadong kalalakihan ang dumampot sa iyo.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions