ANG DAHILAN NI ALICE
"Alice, bakit umihi ka na naman dito sa kama natin?" mahinahong tanong ni Aling Nida sa anak.
"Kasi po naiihi na ako." mahinang tugon ni Alice saka nilaro ang mga daliri. Alam niyang maya-maya lamang ay papaluin na naman siya ng kanyang ina kapag hindi nito nagustuhan ang kanyang sagot.
"Bakit naman hindi ka pumunta sa banyo anak? Nasa baba lang naman 'yung banyo ah." Tiningnan niya ito nang mabuti. Sasabihin ba niya ang totoo o hindi? Paano kapag papaluin na naman siya nito kapag sinabi niya ang totoo? Ang kaso, masama naman ang magsinungaling.
Lumunok muna ng laway si Alice bago muling nagsalita.
"Mama, kasi po may mumu sa banyo."
At muli, nawalan na naman ng pasensiya ang kanyang ina sa sinagot niya.
Paulit-ulit na lang ang problema ni Alice. Hindi naman naniniwala ang Mama niya sa kanyang sinasabi na may multo sa banyo. Bukod doon, hindi rin naman niya kayang pigilan ang kanyang ihi tuwing madaling araw. Ang totoo, ilang beses na siyang nag-ipon ng lakas ng loob para harapin ang kanyang takot sa banyo, pero palagi siyang nabibigo dahil naiihi na kaagad siya sa shorts kahit pa nasa harap pa lamang ng pinto. Paano pa kaya kung bubuksan niya 'yon at makikita na naman ang multo?
"Tutubi! Tutubi! 'Wag kang magpahuli sa batang mapanghing umihi kagabi!" Mabilis na lumipad ang tutubi palayo kay Alice. Nagtawanan naman ang mga batang kumanta nandoon. Gumuhit sa mukha ni Alice ang matinding pagkapahiya. Siguro ay narinig na naman ng mga ito ang reklamo ng kanyang ina. Bakit ba kasi may mga kapitbahay siyang masasama ang ugali?
"Alam mo ba Alice, may kinuwento sa akin si Mama." Napalingon naman siya sa batang lalaki na lider ng grupong nanunura sa kanya.
"Patay na ang Papa mo 'di ba?" Tumango siya nang may pagtataka.
"Sabi ni Mama, namatay raw yung Papa mo dahil ayaw niya na," huminto ito at tiningnan siya nito sa mata. Napuno naman ng pagkasabik si Alice, hindi niya alam ang kwento tungkol sa kanyang ama.
"Na may anak siyang mapanghi! Hahaha!" Umalingawngaw ang tawanan ng mga bata. Namula si Alice saglit, pero pinigilan niya ang sarili kaya pumasok na lang sa loob ng bahay at naglaro mag-isa.
Maagang natulog si Alice gaya ng nakagawian. Naalimpungatan siya dahil nararamdaman na naman niya ang bagay na pinakaayaw niya.
"Mama, naiihi na po ako." Ginising niya ang kanyang ina ngunit hindi siya nagtagumpay. Hindi na niya kayang pigilan pa ang kanyang pantog at hindi rin naman siya maaaring umihi sa kama. Dali-dali siyang lumabas ng kwarto at nagtatakbo pababa.
Nagising bigla si Alice dahil nasa tapat na siya ng banyo. Nanginginig niyang binuksan ang pinto. Umaagos ang luhang tumalikod sa gilid ng noon at doon umihi. Pakiramdam niya, nawala lahat ng dugo sa kanyang katawan. Nabato siya. Nabingi siya sa ngalitngit ng lubid na paulit-ulit sa kanyang tainga.
"Mama may mumu," muling sabi niya saka pilit kinalimutan ang itsura ng tao sa likod niya na nakabigti sa kisame.
BINABASA MO ANG
VOLUME 0: AUDITIONS
Historia CortaLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 0: Auditions