Entry #44: Mga Pinoproblema ng Isang Bata

143 5 5
                                    

MGA PINOPROBLEMA NG ISANG BATA


Sa isang barangay sa Bulacan, nakatira ang isang walong taong bata na si Freya. Sabado ngayon kaya walang pasok. Nanonood si Freya ng telebisyon nang marinig niya ang kaniyang ina na sinisigawan na naman ang kaniyang ate na si Luisa dahil sa pagkakarooon ng nobyo nito.

Napabuntong-hininga na lang si Freya at pinatay ang telebisyon. Lalabas na lang siya dahil ayaw niyang marinig ang pagtatalo ng kaniyang nanay at ate.

Alas kwatro na ng hapon kaya malilim na. Saktong-sakto naman na pagkalabas ni Freya sa kanilang konkretong bahay ay nasa kalye ang mga kaedad niyang kabigan na sina Minette, JC, Pipoy, at Leyla.

"Freya! Sali ka!" pag-aya ni Minette kay Freya.

"Sige!" ani Freya.

Tumbang preso ang kanilang lalaruin. Para malaman kung sino ang taya, ipinagpatong-patong nila ang kanilang mga kamay sa gitna.

Puti ang lahat at tanging si Pipoy lamang ang naka-itim. Napasibangot si Pipoy at pumwesto sa tabi ng lata.

Nagsimula ang laro at naging mainit ito. Gayunpaman, bakas sa kanilang mga ngiti ang kasiyahan. Maya't maya ay nataya si Freya. Nagtaka ang kaniyang mga kalaro dahil alam nilang maliksi ito.

Nagpatuloy ang laro. Nagliliparan ang mga tsinelas nila sa ere. Maya't maya ay nabato ni Leyla ang lata kaya naman tuwang-tuwa siya. Subalit napansin nila na tulala si Freya.

"Freya!" tawag dito ni Minette subalit walang nangyari.

Lumapit ang magkakaibigan kay Freya. Pinitik ni JC ang noo nito at doon lamang sila napansin ni Freya.

"Ayos ka lang? Kanina ka pa kaya nakatulala," ani JC.

Napayuko naman si Freya. "Pinagalitan na naman kasi ni nanay si ate. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nakakalungkot."

Nagkatinginan naman sina Minette.

"Freya, magtiwala ka lang kina Aling Flora. Huwag kang magpaapekto. Bata pa tayo. Marami pa tayong haharapin pagtanda natin," makahulugang sabi ni Minette.

"Tama! Ako nga pinapalo ng patpat ni mama tuwing umuuwi ako nang gabi na. Ang sakit kaya!" kwento ni Pipoy.

"Ako naman lagi kaming nag-aaway ng kuya ko sa telebisyon. Ayaw niya kasi kay Spongebob" ani Leyla.

"Ako naman laging pinapaluhod sa asin ni lola sa tuwing nahuhuli niya akong dumudukot ng limang piso sa tindahan namin," kwento ni JC.

"Ako naman lagi akong pinagsasaraduhan ng pinto. Hindi raw kasi ako umuuwi ng maaga. Uupo lang ako sa tapat ng bahay namin. Iiyak panandalian pero mamaya-maya ay papapasukin na ako ni papa, " ani Minette.

Napangiti naman si Freya. Lahat sila ay may kwento, mga problema na tinatawanan na lang nila dahil alam nilang wala pa ito sa haharapin nila pagtanda nila.

"Maging positibo ka lang. Hindi ka naman nag-iisa," nakangiting sambit ni JC.

Tumango-tango si Freya. "Tama kayo. Hindi dapat ako magpadala sa mga ganitong bagay. Salamat. Napagaan niyo ang loob ko."

"Wala iyon," ani Minette, "Matatag tayo eh!"

Napangiti naman silang lahat. Oo, matatag sila. Bata pa sila at sila ang pag-asa ng bayan kaya kailangan nilang maging positibo. Marapat lamang na magtulungan sila sa iba't ibang bagay nang lumaki sila nang maayos at maging matagumpay balang araw.

VOLUME 0: AUDITIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon