Siyam

45 3 5
                                    

SIYAM

Buwan ng Enero
Ano nga ba ang meron dito?
Dito lang naman sa buwan na 'to nagkakaroon ng pagbabago sa buhay ng tao.
Pagbabago na maaaring positibo o negatibo.
Mga bagong alaala ang pwedeng mabuo.
Ngunit sa ating dalawa, yung huli ang natamo

Pero bago ko ituloy ang nais kong sabihin sa'yo,
Bumalik muna tayo sa buwan ng Agosto.
Buwan kung saan una kong nasilayan ang ngiti mo.
Ngiting hindi ko inaasahan na makakapagpabago sa takbo ng buhay ko.
Ngiti mo na lagi kong gusto makita pagmulat ng aking mga mata
Na sa madaling salita, dito sa buwan na ito, buwan ng Agosto,
Dito ko napagtanto na may gusto na ako sa'yo.

Madaling lumipas ang buwan ng Setyembre, Oktobre, at Nobyembre.
Mga buwan kung saan akala ko... akala ko mawawala at matatapos na ang pagkakagusto ko sayo.
Tama naman ako kasi akala ko lang 'yon.
Imbis kasi na mawala, mas lalo pang lumala.
Ikaw kasi, nagbigay ka ng mga senyales na pwede kong ika-asa.
O baka naman mali lang ako?
Baka naman yung mga ginagawa mo sakin ay wala lang para sa'yo
Pero para sakin kasi, ang mga ngiting dulot ng mga 'yon ay hindi matutumbasan ng kahit ano.

Buwan ng Desyembre
Isa 'to sa pinakahindi ko malilimutang buwan.
Dito lang naman kasi kita sobra iniyakan.
Mag isa sa kama, tanging unan at kumot lang ang naging sandalan.
Dito ko naramdaman ang panlalamig ng pakikitungo mo sa akin.
Dito ko nakita, mulat ang dalawang kong mata, kung paano tayo unti-unting nagkakalayo.
Para bang hindi mo na ako kilala.
Tila ba ang mga pinagsamahan, alaala, kasiyaha'y kinalimutan mo na

Pero alam ko kung bakit.
Alam ko ang dahilan kung bakit tayo nagkaganito.
Nahahalata mo nang may gusto ako sa'yo.

Bumalik tayo sa buwan ng Enero.
Buwan ng Enero.
Dito, sa buwan na ito, ko naisipan na tapusin na ang hirap, sakit na nararamdaman ko.
Dito ko naisipan alisin na ang bumabagabag sa isip ko, nakakalito.
Ni hindi ko naisip kung tama pa ba 'to.

Ika-siyam ng Enero,
Araw kung saan umamin ako sa'yo.
Wala lang... nagbabakasakali lang kung may pagasa ba ako.
Pero doon, tumatak sa isipan ko ang takot na bumakaas sa mukha mo nang sabihin ko sa'yo ang katagang, "Gusto kita."
Katagang handa kong ipagsigawan sa buong mundo, hindi ko na iisipin ang kaba, takot, at sakit na bumabalot sa nararamdaman ko.
Ngunit ang lahat ng yon ay gumuho nang sabihin mo ang kataga o sagot mo na, "Pasensya, kalimutan mo na ako."

Magmula non ay lagi kong sinasabi sa sarili ko na,
Isang buwan... isang buwan lang ang kailangan ko upang alisin ang pagkakagusto ko sa'yo.
Pero sarili ko lang din pala ang niloloko ko sapagka't dumating na ang ika-siyam ng Pebrero, maging man ng Marso, Abril, at Mayo,
Bumabalik pa rin ako sa buwan ng Agosto.
Buwan kung saan lagi ko pa rin gusto makita ang ngiti mo.

Paulit-ulit pa rin akong nahuhulog sa'yo.

SiyamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon