Ang Istorya ni Sonia

4K 117 41
                                    

Mapagmahal at maasikasong asawa. Dalawang malulusog at masasayahing mga anak. Maginhawang buhay. Perpektong pamilya.

Ako si Sonia. Ito ang aking buhay. Wala na kong mahihiling pa. Araw-araw ay pumapasok ako sa opisina. Isa akong marketing manager sa isang prestihiyosong kumpanya. Malaki ang kinikita. Lahat ng luho ay kaya kong makuha.

Ang aking asawa ay isang hotshot na abogado. Mapagmahal, thoughtful, malambing, at higit sa lahat, faithful. Mahal na mahal niya ako, at mahal na mahal ko rin siya.

Dalawa ang aking anak, isang lalaki, isang babae. Nag-aaral sa exclusive schools. Matatalino. Mga consistent valedictorian. Mababait. Masunurin. Mapagmahal.

Wala na kong mahihiling pa.

Nakatira kami sa isang condo. Ang aking mga furniture ay hindi basta basta. Mga imported. Kung hindi man eh pasadya. May sarili akong furniture maker. Lahat ng high-tech na gamit meron kami. You name it, we got it.

Madalas kaming kumain sa labas. Madalas kaming mamasyal sa mall. Madalas kaming mag-picnic sa park. Napakasaya ng aking pamilya.

Wala na kong mahihiling pa.

Ngunit wala kaming kotse. Nag-co-commute kami. Lagi kami sa Guadalupe Station sumasakay, kapag papasok ako sa opisina o mamasyal kami ng aking pamilya.

Ang nakakainis lang sa Guadalupe Station ay ang pulubing babae na laging namamalimos sa mga pasahero. Nakakadiri siya. Ang baho. Ang dungis. Bakit ba kasi hindi na lang siya tumalon sa riles ng tren para matapos na ang paghihirap niya at pang-aabala niya sa mga tao! Buti na lamang ay natatakasan ko ang nakakasulasok na babaeng to. Hindi niya ko nahingian ng limos ni minsan. Pero lagi ko tong nakikitang nakatingin sa akin. Freaky.

Biyernes. Nag-overtime ako. Alas-onse na. Kailangan ko nang umuwi. Sumakay ako sa MRT. Pagdating ko sa Guadalupe Station ay hinanap ko ang pulubing babae. Wala ito. Hay salamat! Nagmamadali akong lumakad pauwi. Pagdating ko sa condo ay nakita ko si manong security guard. Ano na nga bang pangalan nito? Melvin? Jerome? Bogart? Bakit hindi ko maalala?

"Miss, saan po punta niyo?" sita nito sa akin.

"Dito ako nakatira. Ano ka ba?"

Tinignan ako nito mula ulo hanggang paa.

"Ano pong pangalan niyo?"

"Sonia!"

"Apelyido?"

"Pwede ba papasukin mo na ko! Ano bang problema mo? Ang tagal tagal ko nang nakatira rito. Hinihintay na ko ng pamilya ko!"

"Sandali lang ha. Diyan ka lang," utos pa ng hinayupak na sekyu na ito sa akin.

Bumalik ang sekyu, at may kasama itong lalaki na naka-white polo.

"Miss, ano po bang problema?" tanong nito sa akin.

"Eh etong sekyu na 'to ayaw akong papasukin. Dito ako nakatira. Dun sa may 4th floor."

"Hindi ho kayo dito nakatira. Hindi ho namin kayo kilala."

Biglang umikot ang paningin ko. Napahawak ako sa ulo ko. Nagulat ako nang makita ko ang mga kamay ko. Puro grasa! At ang aking damit... gula-gulanit! Anong nangyayari? Anong nangyayari sa akin?

Nang marinig ko ang boses niya...

"Ano hong problema dito Mr. Yu?"

"Ah, Sir Bryan, eto kasing babae na 'to pinipilit na dito siya nakatira."

Tinignan ako ni Bryan. Ang aking mahal na asawa.

"Bryan... ayaw nila akong papasukin. Ano bang nangyayari, ha?"

"Sino ka? Paano mo nalaman ang pangalan ko?" tanong ni Bryan sa akin.

"Bryan..."

"Bryan? Anong nangyayari rito?" tanong ng isang babaeng pamilyar na pamilyar ang boses sa akin.

Nang magkaharap kami ng babaeng ito ay lumakad ang kilabot sa buo kong katawan. Ako siya! Ako ang babaeng to! Bakit niya ko ginagaya? Bakit kami magkamukha?

"Bryan, eto yung kinekwento ko sayo na pulubi sa may Guadalupe Station. Bakit naman nakarating yan dito? Manong Vernon, palayasin niyo yang babaeng yan. Perwisyo yan!"

At tuluyan na kong nawalan ng malay.

Ako si Sonia. Isang pulubi sa Guadalupe Station. Patay na ang asawa't anak ko. Namatay sila sa isang landslide. Nadaganan ng naglalakihang mga bato. Dahil sa sobrang lungkot ay nagkasakit ako sa utak-delusional disorder. Ito ang tunay na istorya ko.

Ang Istorya ni SoniaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon