"Hoy Red! Dalian mo na mamili. May date pa kami ni Sara. Di ako pwede ma-late. Bubungangaan na naman ako nun." Dada sakin ni Jasper. Kaibigan ko mula elementary hanggang ngayong nasa kolehiyo na kami. Pareho kaming engineering students sa isang kilalang unibersidad sa maynila. Kapwa 19 years old at magkasama sa dorm. Daig pa nga namin kambal sa closeness namin eh.
Namimili kami ngayon sa isang convenience store para sa stock naming pagkain sa dorm na good for two weeks. Mas mura kasi pag ganito kung ikukumpara sa palagiang pagkain sa labas tuwing lunch at dinner. Dagdag mo pa na pareho kaming lalaki at hindi matiyagang magluto ng ulam.
"Oo na. Eto na nga oh." Sabay hila sa cart na punong puno ng iba't ibang klase ng noodles, pasta, at mga de lata.
"Ay iba ka, Red. Tirador ka ng noodles." Aniya Jasper sabay halakhak.
"Bakit ba? Eh mas madaling iluto 'to eh."
"Tange. Masobrahan ka nyan pre. Sabi kasi ng ate ko, masama daw puro instant. Minsan kaya luto rin tayo? Pwede naman daw makiluto sabi ni Aling Monet eh." Seryosong sabi ni Jasper.
"Sus. Nagpapaniwala ka dun sa ate mong ang daming bawal. Tara na nga. Okay na tong binili ko. Pila na tayo." Sabi ko sabay ismid ng maalala ko ang ate nyang binasted ako. Bwisit yun. Chicks sana, sama lang ng ugali.
Habang naglalakad kami patungong counter upang magbayad ng mga ipinamili namin, biglang may babaeng humahangos na lumapit sa isang cashier at histerikal na nagsabing,
"TULUNGAN NINYO AKO! KINUHA NUNG APAT NA LALAKI YUNG ANAK KO!!!" sabay hagulgol ng ginang."Misis, huminahon po kayo. Nasaan po b--"
*BANGGG!!*
Nang umalingawngaw ang tunog ng baril sa di kalayuan.
"ANG ANAK KOOO!!!" Hiyaw ng ginang sabay takbo sa pinanggalingan ng ingay.
Nagkatinginan kami ng kaibigan kong si Jasper. Kahit hindi magsalita ay nagkaintindihan kami at walang pag-aalinlangang iniwan ang kani-kaniyang cart at sumunod sa ginang.
Habang tumatakbo, isang putok pa ng baril ang aming narinig.
*BANGGG!*
Sabay tumba ng ginang na aming sinusundan di kalayuan sa amin.
Nang makalapit sa ginang, nakita naming may tama siya ng bala sa binti habang pilit na inaabot ang isang duguang batang babae na may tama sa dibdib at animo'y patay na.