Serendipity

267 11 9
                                    


February 9, 2017

"Tungkol saan ang bago mong libro?"

Marahan kong inilibot ng tingin ang aking paligid kasabay nang pagbilis ng tibok ng aking puso. Hindi ko mabilang kung ilang tao ang narito ngayon ngunit lahat ng kanilang mga mata ay mariing nakatitig sa akin.

Nararamdaman ko ang init dulot ng mga ilaw na nakatutok sa akin; muli kong ibinaling ang aking tingin sa babaeng kaharap ko, tinitigan ko siya sa kanyang mga mata; pasimple siyang ngumiti at tumikhim.

Huminga ako nang malalim, "Tungkol sa isang tao na hindi sinubukan ipaglaban ang lahat..."

June 15, 2000

Huling taon ko sa kolehiyo nang makilala kita.

Inis akong nagising dulot sa init na umaalingasaw sa aking kwarto; pilit kong binabalik ang aking tulog ngunit hindi ko na magawa. Tutal tanghali naman na kaya nama'y nagmadali na akong kumilos at isang subject na lang rin naman ang papasukan ko; huling taon ko na ito ngayon kaya ayoko nang ulitin ang subject na iyon.

Mabilis akong nakarating sa sakayan ng jeep, nadatnan kong maraming nag-aabang; sandali akong nag-isip kung babalik pa ako ng bahay ngunit ayoko nang umuwi pa ulit dahil aksaya lang sa pamasahe. Wala akong magawa kundi mag-abang na lang din sa ilalim ng init.

Lumingalinga ako sa aking paligid, pilit tinatanaw ang mga jeep na paparating, ngunit sa dinami-rami ng jeep na nagdadaan walang papunta sa eskwelahan ko.

Nararamdaman ko ang pawis na unti-unting tumutulo sa aking noo, bahagya ko itong pinunasan ng aking kamay bago pa tumulo sa mukha ko. Mahigpit akong napahawak sa strap ng aking backpack kasabay nang malalim kong paghinga. Naghintay pa ako ng ilang minuto ngunit malabo talagang may mapadaang jeep papunta sa paroroonan ko.

Hindi ako nagdalawang isip maglakad patungo sa kabilang kanto; baka roon may masakyan ako.

Patuloy ang aking paglalakad nang hindi nawawala ang aking tingin sa mga jeep na nagdadaan, buti na lang mamaya pang hapon ang klase ko dahil kung hindi baka 'di na naman ako makapasok.

Maya-maya pa'y hindi ko namamalayang marahan akong napapahinto sa aking paglalakad nang may nasisilayan ako sa kabilang kalsada.

Sa hindi kalayuan ay malinaw kong natatanaw ang hawak mong isang puting kamera habang naglalakad kasabay ang panay kuha ng mga litrato sa paligid; hindi alintana ang init ng araw, ang nakaladlad mong mahabang itim na buhok, ang kulay pula mong pang-itaas at maong na pantalon mong suot.

Mariin kitang tinitigan, pilit tinatanaw ang mga ngiti mo sa mga taong kinukunan mo na mistulang ikaw ang kinukunan nila ng litrato.

Sa mga sandaling segundong ito gusto kong tumawid ng kalsada ngunit para bang may sariling pag-iisip ang aking mga paa at hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan.

Kinakabahan.
Nanghihina.
Nangangatog.

Halo-halo ang aking emosyon na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko... Hindi ko napansin kung ilang minuto na ba akong nakatitig sa 'yo o kung inabot na ba ng oras. Nawala ang pag-iisip ko at tanging puso ko lang ang gumagana sa mga sandaling ito, ni hindi ko alam kung ilang jeep na ba ang nagdaan papunta sa paroroonan ko at kung ilang tao na ang bumunggo sa akin; basta ang alam ko lang ay iyong mga ngiti mong tumatak sa isipan ko- at sa aking puso.

Para akong natutunaw na tila'y hinihila ako ng lupa, nakakapraning; hindi ko alam kung bakit ganito ang reaksyon ng sistema ng aking katawan.

Hindi mawala-wala ang mga tingin ko sa iyo, hanggang sa napansin kong patawid ka na ng kalsada.

Patawid sa kinatatayuan ko.

Serendipity (ONESHOT)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon