"Punit na kama
Centimetro
Metro
Kilometro
Milya
Distansya.
Geograpiya na mismo ang naglalayo sa ating dalawa
Tila ba ikaw ang araw
At ako ang buwan
na kakailanganin ng ilang taon bago magtagpo.Magkikita,
Magsasama,
Magpapakasaya,
Magpapakasasa
Sa bawat oras na pwede nating pagsaluhang dalawa
At pagkatapos
Ay aalis,
Lalayo,
Babalik sa magkabila nating mundo.
At pagdating
ay sabay nating aalalahanin
Ang nilikha nating sariling uniberso,
Sariling galaksiya,
sariling planeta,
Sariling bansa,
Yung tayong dalawa lang ang nakatira.
Malayang gawin ang kahit na ano,
Magpunta sa bawat lugar na naisin mo,
Magsayang ng oras.
Magpakalunod sa oras na meron tayo,
Dito.
Dito tayo sa sarili nating uniberso kung saan tayo lang ang tao.
Tayo lang ang masusunod.
Imahinasyon
Ang puhunan
Para sa masarap na pagsasamahan,
Alalahanin ang masasayang nakaraan,
Kalimutan ang mga pangit na pinagsamahan,
Dito.
Dito tayo sa sarili nating uniberso.At pag tapos na,
Kapag naubos na ang minsang inakala na walang katapusang oras nating dalawa,
Sabay tayong magmumulat ng mata,
At maaalala
Na natulog nga pala tayo
Sa punit na kama."