1962 Babag, Cebu- Bangon na mga ungo...aswang! tanghaling tapat na! Mga tulog-mantika pa rin kayo, sinamantala na naman ninyo ang liwanag ng buwan. Mabilis at pabulyaw na ginising ni Lola Erene ang kanyang tatlong mga apo gamit ang kanyang baston na gawa sa pinakinis na kahoy na kamagong. Si Dudong na panganay na apo at pinakamantanda rin sa mga magkakapatid ang agarang nakatikim ng hambalos mula sa matandang balo. Aguy ko naman lola, naglaro lang naman kami ng "Pulis Robert' kagabi, at sayang naman ang liwanag ng buwan na aking kakampi upang tanghalin akong pinakamahusay sa taguan at habulan. Pangangatwiran pa ni Dudong. Ahh..sige...at dahil tanghali na sa dahon na lang kayo ng saging kakain nang sa gayon ay wala narin kayong iintindihing hugasin. Mariing bilin ng matanda kay Flor na ikalawang nakatatandang apong babae na pupungas-pungas pa sa pagkagising at bakas ang hilatsa ng banig sa kanyang siko at mukha sa pagkahimbing ng tulog. "Si Uting nga pala, ay huwag ninyong pabayaang maligong mag-isa sa batalan baka madulas yang bunsong kapatid ninyo." Bakas ang pag-aalala ng Tandang Erene sa kanyang mga apo buhat noong iwanan ang mga ito ni Islao na kanyang nag-iisang anak na lalaki upang makipagsapalaran sa Maynila. Wala syang magawa sapagkat batid niya ang damdamin ng anak na nilisan ng asawa at sumama sa ibang lalaki. Tulad ng nakagawian na magkakape muna, magtitinapay at manananghalian o Almutang na ang ibig sabihin ay almusal at tanghalian sabay na sa iisang oras ng kainan.
Matapos maitawid ang kalam ng sikmura, sila ay tutungo sa hornalan upang manggapas ng mga damong tumutubo sa kanilang maliit na gulayan. Maituturing na isang ordinaryo at payak na pang-araw-araw na kinagawiang pamumuhay ng isang hindi tipikal na pamilya. "Ingat sa paggagapas ng damo, ako na ang bahala sa mga cadena de amor, lubhang napakatinik ang mga ito at baka matusok pa kayo kapag mali ang diskarte ninyo," paalala ni Dudong sa mga kapatid. "Kuya mapupuno na ang buslo ko ng mga kamote, maaari na po ba akong maglaro?" paalam ng bunsong si Uting. "Huwag ka lang lalayo ha...dito ka lang sa malapit sa amin, bawal maglaro sa tabing ilog, may nangunguhang bata raw dyan sabi ni lola at kung hindi ay may batok ka sa akin!" paalala ng isang responsableng kuya.
Magdadapit hapon na at pakalat na rin ang kadiliman sa buong bayan..., sa pagkumpas ng kamay ng orasan sa bilang anim ay inaasahang nasa bahay na ang lahat para sa isang orasyon. Kinuha ni Lola Erene ang insenso, nilagyan ng dahon ng kamanyang, mga ibat-ibang ugat at iba pang lihim na sangkap na sa isang saliw ng palito ng posporo ay agad na lagliyab upang ang halimuyak nito ay tuluyan ng sakupin ang buong sambahayan. Para saan po ba ang pag-papausok po ninyo lola? Inosenteng tanong mula kay Flor. Ang tawag dito sa pagpapa-usok natin ay ang pag-insenso, Ito ay isang paghahanda para sa ating mga gagawin ngayong gabi, upang tayo ay magkaroon ng pananggalang laban sa mga masasamang espiritu na nagnanais na tayo ay gambalain sa pagtupad ng ating tungkulin, tugon ni lola Erene. Kahit hindi pa rin saklaw at lubusang maunawaan ng murang isipan ni Flor ang sinasabi ng kanyang lola, para sa kanya ito ay isang pangkaraniwang bahagi lamang ng kanilang kinagisnang pamumuhay...ang panggagaway.
Maya-maya pa ay may ilang tao na nagdadatingan sa bisitang taggapan ng kanilang munting dampa, mga tao na bakas ang pag-aalala sa kanilang mga mukha at naghahanap ng lunas sa anumang hindi maipaliwanag o hindi kayang lunasan ng makabagong pamamaraan ng panggagamot tulad ng nauna...agad na tinanggap ni Lola Erene ang isang bata na may malaking kulani sa kanyang kaliwang leeg. Nagpakuha ng isang plangganitang tubig ang matandang manggagaway sa apong si Flor. Sabay umusal ng dasal sa isang puting kandila na inabot ni Dudong. Napaglaruan ang inyong anak habang siya ay naliligo sa banyo at nagalit ang isang nilalang doon sa kanyang agarang paglisan matapos maligo kaya pinarusahan siya. Ganito binasa ni lola Erene ang mga patak ng kandila sa plangganitang may tubig. Muling umusal ng dasal ang matanda habang kanyang nginungaya at binulungan ang mga dahon ng bayabas at itinapal sa leeg ng bata. Kinuha rin nya ang mga kandilang natunaw sa plangganita at ito ay binalot sa puting papel at muling umusal ng dasal, "Ilagay ninyo ang kandilang binalot ko sa puting papel sa ilalim ng unan ng inyong anak bago siya matulog." bilin ng matanda. "Humingi ka rin ng patawad sa nilalang na hindi mo nakikita sa palikurang iyong pinagliguan at mag-alay ka ng pagkain tuwing ika-anim ng gabi tuwing Martes at Biyernes bilang paghingi mo ng tawad, at sa iyong paggising ay ipahid mo iyong laway sa inyong kulani upang tuluyan na itong gumaling." dagdag pa niya. Matapos ang ilan pang mga pagpapayo ay muling pinaalala nya sa mga nagpapagamot na hindi siya tumatanggap ng bayad, ngunit siya ay tumatanggap ng itlog at donasyon.
BINABASA MO ANG
The Chronicle of Manggagaway
RandomAng The Chronicle of Pinoy Witchcraft and Wizadry ay hango sa mga kwento mula sa karanasan at salaysay ng ilang mga tao na humihipo mula sa sinaunang kasaysayan hanggang sa pangkasalukuyan henerasyon. Sumasalamin ito sa kultura, paniniwala at tradi...