Brigada B

60 1 0
                                    

Napakadilim. Tanging liwanag lamang ng buwan ang nakikita ko sa labas. Maulap din ang kalangitan. Ilang gabi nang ganyan iyan. Sayang at 'di ko na naman makikita ang ningning ng aking paboritong bituin. Doon kasi ako humihiling ng aking mga gustong mangyari. Pero buti naman at hindi umuulan. Kundi magiging  triple pa ang lamig kaysa ngayon.

Tiningnan ko ang orasan. Alas onse na ng gabi. Kaya pala medyo tahimik na rin dito. Kanina pa ako nakatayo dito sa may bintana, nagtatanaw sa labas.

"Oh Daniel, andyan ka na naman ah. Kamusta, maulap na naman ba?," ani Gelo, sabay upo sa kanyang tarima. Kasama ko sya rito sa kwartong ito. Malaki 'tong si Gelo, may taas na 5'8 at may maskuladong katawan. 'Di mahahalata na 30 anyos na siya. Bukod sa wala pang kulubot ang mukha nya,  animo kumikinang ang kulay-kape nyang mga mata.

Ngumiti na lang ako kay Gelo. Alam naman niya na ang ibig sabihin ko noon. Umupo na rin ako sa isang kahoy na upuan at kumuha ng isang stik ng sigarilyo mula sa aking bulsa. "May lighter ka dyan Gel?"

Kumapa naman siya sa likod ng short nya at nang mapansing naroon ang kanyang lighter ay agad naman itong iniabot sa akin. Kinuha ko naman ito at sinindihan ang aking sigarilyo.

"Salamat," sabi ko at ibinalik  ito sa kanya.

Pansin kong parang malungkot ngayon si Gelo. Sabagay, sino bang hindi malulungkot sa lugar na ito? Ilang buwan na kami rito at habang tumatagal ay mas nababagot ako. Minsan nga'y naiisipan kong tumakas ngunit ilang buwan na lamang daw at makakaalis naman na kami rito.

"Alam mo Daniel, palagi kong naiisip kung kamusta na kaya ang asawa't anak ko, nakakalungkot isipin na isang beses pa lang nila akong binisita.. Dalawang buwan na ako rito at 'di ko maiwasan na 'di sila maisip," biglang wika niya. Tsk. Kawawa naman 'tong si Gelo.

Binuga ko ang usok mula sa paghitit, "Naiintindihan kita Gelo, pero 'wag kang mag-alala. Malapit naman na tayong makalaya. Alam kong namimiss ka na rin ng anak at misis mo. Tiwala lang, makakalabas na tayo." 

"Sabagay," maikling sagot nya at isang mahabang hikab ang kanyang pinakawalan. Ha! Mukhang antok na antok na 'to ah. "Oh sige, matutulog na ako. Maaga pa akong gigising bukas. Grupo namin ang maglilinis sa buong brigada eh," dagdag nya. 

Gaya ng sabi ni Gelo, natulog na nga siya. 'DI ko napansin na mauubos ko na pala yung isang stik sa kahihitit ko. Itinapon ko sa labas matapos kong maubos ito.. Tahimik na dito sa Brigada B. Parang tulog na ata ang lahat. Napag-isipan ko na ring humiga at baka-sakaling ako'y makatulog na rin.

Ngunit may mga bumabagabag na naman sa aking isipan...

Kailan kaya ako tuluyang makakalaya rito? Medyo naiinip na ako. Ngunit kailangan kong maghintay. Sabagay, kasalanan ko rin naman kung bakit ako nandito. Bakit ko pa kasi ninakaw yung pera ni Aling Sherlie? Yan tuloy, nagdudusa ako. 'Di bale, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Alam kong malapit na akong makalabas. Tiwala lang. 'Di ko na uulitin yung pagkakamali ko. Nagbago na rin ako. Laking pasasalamat ko sa Diyos!

Kinapa ko ang wallet ko dito sa ilalim ng aking unan. Ito'y aking binuksan at tinitigan ang litratong nakapaloob dito.

"Hintayin mo sana ako Louisa, malapit na tayong magkita. At gaya ng pangako ko, papakasalan na kita."

~

Hello po :) Ito'y isa lamang na maikling kwento na inspired mula sa  "Silindro ni Doy". Hahaha, 'di ko alam at bakit nasulat ko ito xD Trip ko lang ata. xD Sayang naman kung di ko ibabahagi sa iba :3 Ge po. Salamat!

Brigada BTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon