Gusto ko lamang po ibahagi sa inyo ang isang karanasan na hinding hindi ko malilimutan. Ako nga pala si Elli. Nakatira ako dito sa Probinsya ng Batangas.
Siyam na taong gulang pa lamang ako noon kaya nag aaral ako sa isang pribadong paaralan dito sa batangas. Kaya naman kalimitan ay tinatawagan ako ng kaklase ko para mag tanong ng mga assignments or minsan makipagkwentuhan. Hanggang dumating ang isang araw na naputol ang aming telepono dahil nakalimutan ng Nanay kong mag bayad ng mga bills. Kaya naman sa mga Lola kong telepono tumatawag ang aking kaklase at tinatawag naman ako ng Lola ko kung my nag hahanap sa akin sa telepono. Isang bahay lang naman kasi ang pagitan ng bahay namen sa bahay ng Lola ko. Kaya dumudungaw siya sa bakod sa likod at doon niya ako tinatawag.
Ala sais ng hapon ng "Elli ! telepono !" sabi ng lola ko. Tatlong beses niya sinabi. Kaya naman tatakbo na ako sa likod ng bahay para icheck kung tinatawag nga niya ako. Pero nung sumilip ako sa bahay nila nagulat ako at ang nakadungaw ay isang putting ulo! Hindi agad ako nakakibo at nag tataka ako. Hanggang sa nakaramdam na ako ng kilabot. Dali dali akong lumabas ng bahay at pumunta sa bahay ng lola ko.
"Lola, tinatawag niyo po ba ako ? kani – kanina lang bago ako pumunta ditto" tanong ko. Sabi niya "Hindi. 5:30 pa lang tapos na ko magpakain ng mga aso. Kanina pa ko dito sa loob nanonood ako ng balita." Ikinuwento ko sa kanya yung pangyayari. At itong sinabi niya ang nakapag pakabog ng dibdib ko "Huwag na huwag kang pupunta sa likod ng bahay pag patak ng ala sais ng hapon. Ang sabi ng matatanda my mga engkanto at tikbalang na naninirahan diyan sa likod. Wala kasing bahayan puro kawayanan. Tikbalang, sila yung gumagaya sa isang tao para malinlang kanila, meron din silang kakayahang iligaw ang tao. Kaya tandaan mo itong sinabi ko sayo. Walang masama kung maniniwala tayo, wala namang mawawala sa atin kung paniniwalaan at susundin natin".
Ganun din ang sinabi ng kapatid ng Lola ko sa akin. Minsan na rin daw kasi siyang napatira sa likod bahay noon at marami na rin daw siyang karanasan doon. Kaya daw niya nalalaman na nasa paligid lamang ang mga ito ay tuwing tahol ng tahol ang kanyang alagang aso pero pag sumisilip naman daw siya sa bintana ay wala naming tao. Ganun din ang kanyang mga alagang manok parang hindi daw mapakali.
Kaya simula noon isa lang ang tumatak sa isipan ko. Yun ay huwag na akong lalabas ng bahay pag patak ng ala sais ng hapon. Hindi naman masamang sumunod pero base sa aking naranasan ay mas gugustuhin ko pang maniwala na lang sa kwento ng matatanda. Pag uwi ko ng bahay naming naikwento ko agad sa aking Nanay pero ayaw naman niyang maniwala. Sabagay, sino ba naming maniniwala agad agad sa nakita kong iyon. Pero kailangan pa bang makaranas muna tayo ng kababalaghan bago tayo maniwala ?