Pula
"Paborito ko ang kulay na pula lalo na nung dumating ka..."
Tamang tama ang binabasa kong nobela kung ihahambing ko ito sa mga katangiang taglay mo.
Mula sa mukha mong parang pinaglaanan ng matagal na panahon para maging ganyan ka perpekto.
Ang mapupula mong labi na alam kong marami ng babae ang nakatikim, ilong na matangos at ang mga mata mong parang palaging nang-aakit kung tumitig.
Idagdag mo na lamang ang makapal mong kilay at mahahaba mong mga pilikmata.
Magulo man o maayos ang buhok mong kulay itim ay bumabagay pa rin sa iyo, kahit anong gawin mo.
Ang katawan mong parang hinulma ng isang magaling na pintor. Perpekto ka na sa mga mata ng tao, sa mga mata ko.
Isa ang mga bagay na ito sa nagpamukha sa akin na napakalayo mo para maabot ko.
Para akong isang tao na nakatitig sa isang napakagandang bituin sa langit. Gustuhin ko mang abutin ay di ko rin kakayanin.
Isa pang dahilan ang kasikatang tinatamasa mo dahil sa kasama ka sa isang sikat na basketball team ng unibersidad.
Palagi ka pang kasama sa may pinakamatataas na marka tuwing nagbibigayan ng grades.
Siguro kung titignan, parang dumi lang ako sa sapatos mo.
Ni hindi ko siguro malalagpasan ang mga babaeng dumaan na sa buhay mo. Hindi ko malalagpasan ang katawan at kagandahan nila.
Kaya siguro tama lang na itigil ko na ang kahibangang ito.
"Hi! Partner daw tayo?"
Lumapit ka sa akin at nagpakilala habang nakalagay sa mukha mo ang ngiting kinababaliwan ng maraming babae.
Siguro naglalaro ang tadhana at tayong dalawa pa ang nasaktohan nito. Pano ba naman? Magka partner pa tayo sa isang proyekto.
Nagpakilala ka at nalaman kong Red ang pangalan mo, kahit na matagal ko ng alam ang bagay na iyon.
Naamoy ko ang mabango mong amoy nang lumapit ka sa akin at siguro naadik ako dito.
Pumupunta ka sa bahay namin para magawa ang proyektong pinapagawa ng ating guro.
Nakilala mo si mama at naging malapit kayo. Nalaman din kasi ni mama na gusto kita.
Simula rin noong araw na iyon, natuto akong mag-ayos.
Natuto akong maglagay ng pulbos palagi. Naglagay pa ako ng lip tint para hindi ako magmukhang patay sa maputi kong kutis.
Hindi ko nga lang alam kung pansin mo ba.
Siguro maituturing ko rin na isang swerte ang araw na iyon dahil palagi mo na akong kinakausap noon.Palagi kang may baong kwento sa tuwing magkikita tayo. Palagi kang may ginagawang paraan para mag-enjoy tayo.
Tumataas ang pag-asa ko na, baka, mapapansin mo rin ako.
Pero siguro nga tama sila na huwag kang aasa.
Isang beses nilapitan mo pa ako noon, kitang kita ko ang kagalakan sa iyong mukha na hindi ko napigilang mahawa dito.
Pero nang sabihin mo ang gusto mong ibalita sa akin ay agad napawi ang ngiti ko at uminit ang sulok ng mga mata ko.