Prologue

14.1K 376 40
                                    

Prologue


Tagaktak ang pawis ng tatlong estudyante na ngayon ay mabilis sa pagtakbo. Dahil sa bilis ng tibok ng kanilang puso, hindi na nila namamalayan ang mga matutulis na dahon na humihiwa sa kanilang binti. Napapangiwi na lamang sila sa tuwing sumasayad ang maliliit na sanga ng kahoy na humaharang sa kanilang daan.

Napapalingon sila sa bawat sulok nang masukal na gubat habang patuloy parin sa pagtakbo. Madilim sa loob ng gubat, tanging ang ilaw ng buwan ang nagsisilbing liwanag sa kanilang daan. Napapatingala rin sila sa mga punong nagmimistulang higante na nakatingin sa kanila.

Huminto sa pagtakbo ang lalake, itinukod nito ang kanang kamay sa malaking katawan ng puno habang habol ang hininga. Sumasakit na ang kanyang puso dahil sa lakas ng kabog nito.

"Hin... hindi ko na kaya!" pumikit siya at naramdaman ang panghihina ng tuhod.

Nag-aalalang binalikan ng babae ang lalake at hinawakan ito sa braso. "Luke, t-tara na... bago pa nila tayo maabutan!"

Kagaya ng lalake, mabilis din ang pagpintig ng kanyang puso. Nagpalinga-linga ang babae. Nakita niya ang kasama nilang batang lalake na lubha ring nag-aalala.

Nandilat ang kanilang mata nang makita ang tatlong lumilipad na matulis na bagay na gawa sa yelo. Sumapol ito sa puno na katabi lang ng lalake.

May tumutulo pang butil ng tubig sa kutsilyo na gawa sa yelo.

Nagkatinginan silang tatlo. "Nandito na sila, takbo!" Walang alinlangang tumakbo ang tatlo.

Rinig nila ang mga sigawan ng mga humahabol sa kanila. Tinatawag ang kanilang pangalan.

Napalingon ang babae sa likod nang marinig ang kakaibang pagsabog. Nakikita niya kung paano sumabog sa apoy ang malaking puno na nasa kanilang likod. Mabilis na kumalat ang apoy mula sa ulo nito pai
baba.

"Dapa!" sigaw ng batang lalake nang makita niya ang paparating na malaking bola ng nagliliyab na apoy.

Dumapa sila at nagpagulong-gulong. Tumama ang apoy sa malaking puno na nasa kanilang harapan at nagsimulang lumiyab.

Pinilit nilang tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo. Napansin ng babae na tumigil sa pagtakbo ang bata.

"Ate! Haharapin ko sila!"

"Ano?! Nababaliw ka na ba?!"

"Kaya ko!" hinarap ng batang lalake ang mga humahabol sa kanila. Pumikit ang bata at inilahad ang dalawang palad, saka  nagsimulang umihip ang malakas na hangin. Halos matumba na ang babae sa lakas ng hangin.

"Trunks!" sigaw ng babae habang pinipigilan ang pag-iyak. Nililipad na ng hangin ang kanyang buhok.

Itinaas ng batang lalake ang kanang kamay sa kalangitan. Napatingala ang babae sa oras na marinig niya ang malakas na pagkulog ng langit.

Dito, gumuhit ang malakas na ilaw ng kidlat na tila mga sanga ng punong kahoy! Nagsimula na ring bumuhos ang malakas na ulan.

"Kaya ko ate," lumingon ang bata sa babae. "Umalis na kayo!"

Labag man sa kaluoban,  tumango na lamang ang babae at tumakbo. Pinahid niya ang luhang tumulo mula sa kanyang mata.

Tanaw na ng babae at lalake ang malaking bahay. Walang alinlangang pinasok nila ito at tinungo ang isang kwarto.

Agad na lumuhod ang lalake at binuksan ang luma at makapal na libro. Mabilis at natataranta itong naghanap sa bawat pahina.

Napalunok ang babae. Hinawakan niya ang ding-ding ng bahay at pumikit.

Lumitaw ang maliit at kulay itim na bilog sa ding-ding. Noong una ay maliit lamang ito, unti-unting lumalaki hanggang sa matagumpay na nakagawa ang babae ng black portal.

Umihip ang malakas na hangin. Nilipad nito ang iilang piraso ng papel.

"Aaaaahhhhh!!!" nandilat ang mata ng babae nang marinig ang kasamang sumigaw. Humandusay ito sa lapag habang hawak ang ulo.

Patuloy ito sa pagsigaw na animoy may iniindang sakit. Lumalabas na ang ugat sa ulo nito.

Kasing laki na ng tao ang itim na bilog.

Nakita ng babae ang taong nakasuot ng black cloak na nakatayo sa may pintuan habang nakataas ang kamay. Ang palad nito  ay nakatuon sa kasama niyang lalake. Nalaman niya na ito ang dahilan ng pagsakit ng ulo ng kasama.

"G-gawin mo na!" maluha-luhang sigaw ng kasama ng babae.

Umiiyak na tumango ang babae. Ipinikit niya ang kanyang mata at humakbang patungo sa ginawa niyang portal.

Ilang segundo lang ay unti-unti siyang nawalan ng lakas.

At nandilim ang paningin.

***

Peritia AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon