Chapter 10: Ano’ng nangyari?
Hindi ko alam kung ilang minuto kami sa ganitong posisyon pero putek, parang biglang nawala lahat ng tao at lahat ng ingay sa paligid namin. ‘Yung panahong ‘yun, parang kaming dalawa na lang ni Pepita ang natitirang tao sa mundo.
At sa hindi malamang kadahilanan, parang na-enjoy ko ‘yung part na ‘yun.
“Pedro, tumayo ka na! Nakakahiya na ‘yung posisyon natin,” reklamo ni Pepita. Saka ako natauhan. Dahan-dahan akong tumayo habang inaalalayan si Pepita. Gamit ang kamay nyang hindi naka-posas, pinagpagan nya ang uniform nya.
“Sorry,” sambit ko. Tumango lang sya. “Tara na, ililibre na kita ng mais.” Hindi ko na sya hinatak at baka bumagsak na naman kami. Napalingon ako sa direksyon nina Patrick at sumimangot. “Mamaya lang kayo talaga.” Bulong ko.
“Ha?” Tumingin ako kay Pepita.
“Ha?”
“Ano’ng sabi mo?” Tanong nya.
“Wala. Bilisan mo nga maglakad. Ang iksi kasi ng biyas mo eh,” asar ko. Sumimangot sya at nagpalobo ng pisngi na parang butete.
“I hate you! Dahil dyan, dagdagan mo ‘yung inihaw na mais ng popcorn.” Kinurot nya pa ang braso ko pero binilisan rin nya sa paglalakad.
“Teka lang, asan si Franz?” Tanong ko kay Pepita habang bumibili ng inihaw na mais at popcorn. Dinukot ko yung pera sa bulsa ko at inabot ang 50 sa nagtitinda. Kinuha ko ‘yung popcorn habang hinawakan naman ni Pepita ‘yung mais gamit ang stick.
“Ewan ko, itetext ko na lang sya. Nakakahiya naman na makita nya tayong naka-posas, baka magselos ‘yun,” malungkot na sabi nya. Gusto kong tumawa nang malakas. Ang korni. “Oy, oo nga pala. Break na daw kayo ni Rachel?”
“Oo,” wala sa loob na sagot ko. Wala naman kasi talaga. Si Rachel na rin nagsabi na isang linggo lang daw, okay na.
“Ha? Ganun-ganun na lang ‘yun? Nakakainis ka naman Pedro eh! Alam mo bang gusto ko si Rachel para sa iyo? Super bagay kayo tapos nagbreak lang kayo?” Hinampas nya ako.
“Maayos naman naging break up namin, ayos lang,” sagot ko sabay kibit-balikat.
“Alam mo bang pwede kayong perfect couple?” Padabog nyang sabi. Umiling lang ako. Napabuntong-hininga naman sya. “’Di ko naman kayo pwedeng pilitin sa mga bagay na hindi na pwedeng ipilit pa, ‘di ba?”
Ginulo ko ang buhok nya gamit ang kamay kong hindi nakaposas. “Dami mong alam. Kumain ka na nga lang dyan.”
Pakiramdam ko, ako ang pinakamalas na third wheel sa lahat. Dapat date na ito nina Pepita at Franz pero eto ako ngayon, sabit sa kanilang dalawa. Hindi tuloy magka-moment ang dalawa. Gusto ko naman talagang lumayo sa kanilang dalawa kaso ‘yung posas namin ni Pepita, panira. Para kaming nagde-date tatlo. Ayos rin pala ang ganito, at least nababantayan ko si Pepita.
Pagdating ng alas singko, hinila ko si Pepita papunta sa marriage booth. Nakasunod sa likod namin ni Pepita si Franz.
“Uy, tanggalin nyo na itong posas oh.” Tinaas ko ang kamay kong nakaposas sa kamay ni Pepita. Lumingon ako kay Franz at binalik ang tingin sa bantay ng marriage booth. “Dalian mo, galit na sya oh.” Nginuso ko si Franz. Hindi naman talaga galit si Tangos eh. Pero ramdam kong asar na ‘yun kanina pa, mula nang datnan nya kaming naka-posas.
“Opo kuya, wait lang po!” Taranta ‘yung bantay sa marriage booth na hanapin ‘yung susi ng posas namin. Nang mahanap na nya, tinanggal na ang posas sa kamay namin. Sa wakas!
Hinimas-himas ko ang wrist kong may pulang marka na dahil sa posas. Nagpaalam naman sina Pepita at Franz kaya naiwan akong mag-isa. Saan naman kaya pupunta ang dalawang ‘yun? Nag-isip ako kung susundan ko pa ba silang dalawa pero parang ayoko na lang. Uuwi na lang ako.
BINABASA MO ANG
Skinny Love
Teen FictionSkinny love (n.) When two people love each other but are too shy to admit it, but show it anyway.