KABANATA 1

6 1 0
                                    

"Magsipasok na kayo sa mga kwarto niyo. Nandiyan na si papa at lasing nanaman. Pag nalaman niyang gising pa tayo malalagot nanaman tayong lahat." Taboy ni kuya Fier sa aming magkakapatid kaya nagmadali kaming lahat sa pagpasok sa kani-kaniyang silid.

Magkakasama kami nila Ate Cesareen at ang bunso naming kapatid na babae na si Rhian sa iisang kwarto habang si Kuya Fier ay sa sarili nyang silid at ang pinakabunso namin na si Marcus ay tulog na sa silid nila Mama at Papa dahil doon naman sila natutulog.

Ilang saglit kaming nakahiga lang ng makarinig kami ng pagkabasag ng kung ano sa labas kasunod ang malakas at galit na galit na boses ng aming ama.

Bilang mga bata ay nanahimik kami ngunit nag uumpisa na ding umiyak dahil sa naririnig naming sigaw at iyak ni mama. Hindi na bago sa amin iyon dahil alam naming binubugbog nanaman sya ni Papa ngunit hindi pa rin kami nasanay.

Sa edad kong siyam na taon mulat na mulat na ako sa ugali ng ama namin lalo na pag lasing. Mulat na kami ng mga kapatid ko sa pambubugbog at pananakit nya sa amin ng Mama namin.

Gustuhin man naming lumabas at saklolohan si mama ay hindi namin ginawa dahil alam naming oras na may lumabas sa aming isa ay mapagbubuntunan na din kaming lahat. Hindi namin maintindihan kung bakit ganito sya sa amin kapag lasing sya at kung hindi naman sya lasing ay napakatahimik nya na halos hindi na namin makausap. Strikto sya sa lahat ng pagkakataon at lahat kami ay talaga namang takot sa kanya.

Nagkatinginan kaming tatlo ng mga kapatid kong babae ng wala na kaming marinig na kahit anong ingay mula sa labas ng aming silid. Nakiramdam kami at dahan-dahang lumapit sa pinto at idinikit ang aming tenga doon, impit na hikbi ang agad kong naulinigan mula doon. Mabilis na napatayo si ate Cesa ng Maayos at pinabalik kami sa kama na agad din naming sinunod ni Rhian. Sya naman ay dahan dahang naglakad palapit sa pinto at binuksan iyon. Bago sya lumabas ay lumingon sya sa amin.

"Matulog na kayo. Pupuntahan ko lang muna si mama. Sigurado akong tulog na si Papa kaya medyo tahimik na sa labas. Huwag niyo na akong hintayin magpapatulong na lang ako kay kuya kaya magsitulog na kayo dahil maaga pa ang pasok natin bukas." Mahina nyang saad at tuloy ng lumabas.

Nanatili kaming tahimik ni Rhian at hindi na namalayan ang paghila sa amin ng antok at tuluyan ng nakatulog.

Kinaumagahan ay maaga kaming ginising ni Kuya Fier para maghanda sa pagpasok sa eskwelahan. Matapos naming makapaghanda ay tahimik kaming dumulog sa hapag na nakahanda. Iniwasan kong tumingin kay Papa na tahimik na nakaupo sa kabisera dahil sa umuusbong na damdamin sa aking kalooban. Hindi ko din maiwasan ang namumuong luha sa aking mga mata ng masulyapan ang itsura ni Mama. May pasa sa gilid ng kanyang kaliwang mata at sa kaliwang bahagi ng labi ay may sugat. Namumugto din ang kanyang mga mata. May mga napansin din akong iilang galos at pasa sa kanyang mga braso. Lihim kong naikuyom ang aking mga kamao dahil sa aking napagmasdang itsura nya.

"Bilisan nyo ng kumain mga anak. Baka malate kayo sa school." Nakangiting saad ni Mama sa amin ngunit hindi ko makuhang ngumiti sa kanya pabalik. Hindi ko lubos maisip kung paano nya nakakayang magtiis ng ganito kay Papa. Hindi ko maintindihan kung bakit nagpapakamartir sya.

"Opo Ma." Sagot ng mga kapatid ko ngunit nanatili akong tahimik at kumain na lamang. Habang kumakain ako ay hindi ko mapigilang maisip kung hindi man lang ba nagsisisi o nakokonsensya si Papa sa kanyang ginagawa sa amin lalo na kay Mama. Hindi nya ba mahal si Mama at nagagawa nya itong saktan ng ganito.

Mabilis akong nabalik sa huwisyo ng marinig ko ang matigas na boses ni Papa. Natulala na pala ako sa harap ng pagkain dahil sa aking naiisip kaya hindi ko napansin na tapos na ang mga kapatid ko sa pagkain at ako na lang ang hinihintay.

"Ano pang ginagawa mo diyan Amira? Bilisan mo na at ikaw na lang ang hinihintay. Kahit kailan talaga napakabagal mo." Madiin na sita ni Papa sa akin, gustuhin ko mang sumagot ay hindi ko ginawa dahil alam kong hindi tamang sumagot sa nakakatanda lalo at tatay ko pa. At isa pa ayaw ko ding malintikan at matamaan nanaman ng palo gamit ang sinturon nyang gawa sa leather.

After AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon