Chapter 2: Lost Shadow

7.1K 247 40
                                    

Chapter 2: Lost Shadow

Freya's Point of View


Sinubukan kong suntukin siya pero masyado na akong mahina para gawin 'yon. Unti-unting nawawala ang normal kong kulay. Humihina ang pagtibok ng aking puso.

Napapikit na lamang ako habang iniinda parin ang matinding sakit. Ayoko! Ayokong mamatay ng ganito lang. Tulong! Tulungan niyo 'ko! Hanggang sa utak nalang ang pagsigaw ko. Wala na akong magagawa.

Biglang napahiyaw ang lalaking kumuha ng lakas ko, na tila may umatake rito. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Hanggang sa tuluyan na niya akong nabitawan.

Pabagsak akong napahiga sa semento. Napangiwi ako dahil sa malakas na pagtama ng aking likod. Nabagok din ang aking ulo.

Bumilis ang pintig ng puso ko, nagiging normal na ito. Unti-unti na ring lumilinaw ang aking mata. Binuksan ko ang bibig ko para mas makahinga nang maluwag.

Kagaya ko, bumagsak ang lalake sa malamig na semento. Sigaw siya nang sigaw. Nakabukas ang kanyang bibig at pagulong-gulong na animoy may iniindang kirot.

Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa lakas ng tibok ng puso ko. Nangunot ang aking noo nang makita ang tila kulay itim na kuryente at apoy  na bumabalot sa kanya.

"Peritians! P-peritians! Peri-tianssss!!!" nandidilat ang aking mata habang siya ay pinapanood. Kakaiba ang kanyang boses. Basag ito at malalim. Patuloy niyang sinisigaw ang salitang peritians.

Nagpagulong-gulong siya at namilipit sa sakit. Napatitig ako sa itim na itim niyang mata.

Noong inangat ko ang aking ulo, napansin ko ang pigura ng lalakeng nakatayo. Malamig siyang nakatitig sa kaklase ko. Dumako ang tingin ko sa kamay niya.

Tila nagliliyab sa itim na bola ng kuryente at apoy ang kanyang kamay. Dahan-dahan niyang kinuyom ang kamay at bigla nalang naglaho ang itim na kuryente.

"Huwag ka nang lumaban pa. Umalis ka sa katawan ng lalaking 'yan." Nanindig ang aking balahibo sa oras na narinig ko ang kanyang boses, malamig ito. Ngunit lalaking-lalake ito. Hindi ko mapigilang mapatitig sa maaliwalas niyang mukha.

Namimilipit parin sa sakit ang halimaw. At patuloy parin ito sa pagsigaw habang siya ay pinahihirapan ng itim na kuryente. "H-hindi! Hindi!  Peritians! Peri--" naputol ang kanyang pagsasalita at bigla nalang itong natahimik.

Nakapikit na lamang ito at hindi na gumagalaw. Ganunpaman ay malakas parin ang tibok ng puso ko. Itinukod ko ang dalawa kong kamay at dahan-dahang bumangon.

May kinuhang maliit na bote ang lalake mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Tinanggal niya ang takip nito. Tila bumagal ang oras. Nakita ko kung paano gumalaw ang anino ng nahimatay na lalake. At lumipad ito at pumasok sa maliit na bote na tila isang genie.

Agad na sinara ng lalakeng nagligtas sa akin ang maliit na bote at binalik ito sa kanyang bulsa.

"Inatake ka ng Lost Shadow,  umuwi ka na," sabi ng lalake.

Mabilis akong tumayo nang tumalikod ang lalake at nakapamulsang naglakad paalis.

"T-teka lang!" tawag ko sa kanya at pinulot ang bag ko. Hahabulin ko na sana siya nang sa paglingon ko ay nawala na siya.

Nagpalinga-linga ako ngunit hindi ko na siya nakikita. Iniwan niya ako? Ang sakit maiwan, ha!

Ang sakit!

Tsaka anong sabi niya? Lost shadow?

Narinig kong umungol ang lalake kanina kaya ako napatingin sa kanya. He squinted and surveyed his surroundings. Tutulungan ko sana siya ngunit naisip ko ang nangyari kanina.

Peritia AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon