Ang kwentong ito ay mula sa karanasan ng aking matalik na kaibigang tawagin natin sa pangalang Bambi. Ikukuwento niya rito ang nakakatakot na karanasan nila sa kanilang bahay na hanggang ngayon ay nangyayari pa rin. Maski ako ay ilang beses ko nang naramdaman at nasaksihan.
Halos apat na taon na kami dito sa inuupahan naming bahay. Malaki naman para sa amin dahil may second floor rin. Nagustuhan ko din ito agad dahil dalawang kanto lang ang pagitan nito mula sa bahay ng bff kong si Lyn.
Sa apat na taon namin dito, dapat masanay na kami sa kung anu-anong nararamdaman namin sa second floor. Pero hindi. Dahil hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin ako.
Isa sa mga kinakatakutan ko sa bahay na to ay ang mga yabag na maririnig sa taas kahit walang tao rito. Ang sahig ng second floor ay gawa sa kahoy. Dahil sa kalumaan ay mas malakas ang ingay ng paglangitngit ng kahoy ang ginagawa nito tuwing tinatapakan namin ito. Ngunit madalas ay umiingay ito kahit walang tumatapak rito.
Lunes ng tanghali...
Umabsent ako sa klase ko dahil sa tinatrangkaso ako. Naiwan rin akong magisa sa bahay dahil parehong nagtatrabaho si mommy at daddy at ang mga kapatid ko ay nasa trabaho din. Sadyang madilim talaga sa bahay kahit hindi nakalugay ang kurtina dahil nasa closed compound kami. Kahit tirik ang araw ay konting liwanag lang ang pumapasok sa loob ng bahay.
Tanging lampshade lang at tunog ng TV ang maririnig sa buong kabahayan. Sa sala ako pumwesto mahiga dahil walang susing dala si papa at baka hindi ko siya mabuksan ng pinto dahil sa kasarapan ng tulog ko. Habang nasa duyan ako ng aliw dahil sa panunuod ng paborito kong cartoons na The Fairly Odd Parents, bigla akong napabalikwas ng makarinig ako ng mga yabag sa itaas. Animo'y isang taong paikot ikot sa taas.
Dahil dalawa ang kwarto doon, naisip kong imposible na nasa pangalawang kwarto siya dahil bakante yon at nakakandado. Ang ilalim ng kwartong pingmumulan ng ingay ay ang sala kung nasaan ako nakapwesto kaya rinig na rinig ko ito. Agad akong pumunta sa sulok ng sofa at dun sumiksik sa sobrang takot.
Lumipas ang sampung minuto ay nawala ito. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko at isiping, "Sa tinagal tagal ko dito, hindi pa ba ako nasanay? Eh puro papansin lang naman sila!." Nawili ulit ako sa aking panunuod ng makarinig akong muli ng mga yabag. Mga yabag na tumatakbo at tila'y marami sila. Agad akong lumabas ng bahay at nagpasyang antayin sa labas si daddy.
Kinagabihan...
Ako na lang ang naiwan sa sala dahil sa ginagamit ko pa ang computer para sa projects ko. Lahat ng kasama ko ay tulog na. Alas onse ng gabi ng makarinig ako ng mga yabag ng paa mula sa taas. Inisip ko na baka may nagising sa mga kapatid ko. Alas dos ng madaling araw ng matapos ako sa projects ko at naisipang umakyat na sa taas. Sa sobrang pagod at antok ay nawala na ang takot na naramdaman ko nun.
Isang nakakarinding boses ni mommy ang gumising sa akin...
"Hoy Bambi! Gumising ka nga dyan! Bakit ka natutulog dyan ha?! Hindi ba't naka padlock na yan?! At saka bakit napakaraming bakas ng putikang paa dito sa sala papunta dyan sayo eh ikaw lang naman tong naiwang tao sa sala kagabi?! Bumangon ka dyan!!"
BINABASA MO ANG
Kababalaghan: Mga Misteryong Hango sa Totoong Buhay.
Short StoryMahirap paniwalaan ang isang bagay na hindi mo pa nararanasan. Ngunit paano kung bigla silang magparamdam sayo? Maniniwala ka na ba?