Naaalala ko pa...

329 64 17
                                    


Ganito kasi 'yan...

Naaalala ko pa 'yon. 'Yong mga panahong kinakausap mo pa ang buwan. Sa gitna nang malalim na gabi. Sa ilalim ng dilim... Hiniling mo sa kaniya na sana dumating na siya. Na sana hindi ka na mag-isa. Na sana may makasama ka na. Sa panahon ng kalungkutan at saya.

Naaalala ko pa.

Naaalala ko pa 'yon. 'Yong mga panahong panay ang hiling mo sa nagbabagsakang mga bituin. Ang pagpikit mo ng iyong mga mata. Ang iyong pagbulong sa hangin. Hiniling mo na sana makilala mo na siya. Na sana matagpuan ka na niya.

Naaalala ko pa.

Naaalala ko ang mga gabing malungkot ka. Na maging ang mga dumaraang eroplano ay binulungan mo na rin ng hiling. Na kung hindi mo makuha sa buwan at mga bituin, baka sakaling ito ikaw ay dinggin.

Naaalala ko pa. Ang mga luhang nagbabagsakan sa gitna nang malalim na gabi. Sa ilalim ng dilim.

Naaalala ko pa.

Naaalala ko dahil nandoon ako. Nandoon ako nung nalulungkot ka at panay ang hiling mo sa buwan at mga bituin. Nandoon ako...

Hawak ko ang kamay mo. Nakayakap ako sa'yo habang umiiyak ka. Palagi kong pinupunasan ang mga luha mo. Nakaupo ako sa tabi mo.

Kagaya mo... Humihiling din ako. Na sana, sana hindi mo na maramdamang nag-iisa ka. Kasi simula pa lang ay nandito na ako.

Naaalala ko pa. Naaalala ko.

Ikaw? Naaalala mo pa ba?

Naaalala mo pa ba na simula umpisa, kasama mo na ako?

Sana maalala mo... Na bago ka pa humiling sa buwan at mga bituin, nandito na ako sa tabi mo.

Sana maalala mo... Na ang taong hinihiling mo sa buwan at mga bituin ay ako.

Ako.

Naaalala ko pa. Sana maalala mo rin...

Na may taong palaging nandiyan para sa'yo.

Pasensya na at hindi ako ang taong hinahanap mo... Pero kapag napagod ka na sa kahihiling, tigilan mo na ang buwan at mga bituin...

Lumingon ka na lang ulit sa akin.

Nandoon pa rin ako sa puwesto ko. Sa tabi mo.

Word VomitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon