Para kay pagmamahal at paghihinagpis...
Pagmamahal... Nakikita pa kita noon sa mga mata niya. Kung paano niya ako tingnan, alam kong nandoon ka. Nakikita rin kita noon sa tuwing ngumingiti siya sa akin. Nakikita kita noon.
Pagmamahal... Naririnig pa kita noon sa mga sinasabi niya. Kung paano niya ako kausapin, alam kong nandoon ka. Naririnig din kita noon sa tuwing tumatawa siya nang dahil sa akin. Naririnig kita noon.
Pagmamahal... Nararamdaman pa kita noon sa mga ikinikilos niya. Kung paano niya ako itrato, alam kong nandoon ka. Nararamdaman din kita noon sa tuwing gumagawa siya ng mga bagay na magpapasaya sa akin. Nararamdaman kita noon.
Pero nasaan ka na ngayon? Bakit ka umalis? Bakit iniwan mo si paghihinagpis?
Ang sabi mo ay totoo ka. Ang sabi mo ay hindi ka mawawala.
Nakita, narinig at naramdaman kita...
Naniwala ako sa'yo. Pero nung mga panahong dumating na si paghihinagpis, bakit parang bigla ka na lang naglaho?
Hindi na kita makita sa mga mata niya. Hindi na kita marinig sa boses niya. Hindi na rin kita maramdaman sa mga ikinikilos niya.
Nawala ka na.
Paghihinagpis... Nakikita kita ngayon sa mga mata niya. Kung paano niya ako tingnan, alam kong nandoon ka. Nakikita rin kita sa tuwing tumititig siya sa akin. Nakikita kita ngayon.
Paghihinagpis... Naririnig kita ngayon sa mga sinasabi niya. Kung paano niya ako kausapin, alam kong nandoon ka. Naririnig kita sa bawat matatalim na salita na binibitiwan niya. Naririnig kita ngayon.
Paghihinagpis... Nararamdaman kita ngayon sa mga ikinikilos niya. Kung paano niya ako itrato, alam kong nandoon ka. Nararamdaman din kita sa tuwing umiiyak ako sa mga ginagawa niya. Nararamdaman kita ngayon.
Bakit bigla kang dumating? Bakit kailangan mo kaming wasakin?
Dahil ba hindi ka masaya? Dahil ba punong-puno ka ng kalungkutan kaya mo nagagawang manakit ng iba?
Nakikita, naririnig at nararamdaman kita...
Naniniwala na ako sa'yo. Dahil nung biglang nawala si pagmamahal... Alam kong nandiyan ka.
Nakikita kita sa mga mata niya. Naririnig kita sa boses niya. Nararamdaman kita sa mga ikinikilos niya...
Totoo ka. At nanatili ka.
Siguro kagaya ni pagmamahal, mawawala ka rin...
Siguro, babalik si pagmamahal at alam niya na ang gagawin.
Sa ngayon ay hahayaan lang kita. Hahayaan lang muna kita.
Dahil lahat ng nagmamahal ay naghihinagpis, at lahat ng naghihinagpis ay marunong magmahal.