Mahal, magpahinga ka muna...

119 53 0
                                    


Mahal, ipikit mo na muna ang mga mata mo. Kung gusto mo, sumandal ka saglit sa balikat ko. Alam kong napapagod ka na... Puwede namang huminga ka muna.

Malayo-layo na rin ang nilakbay mo... kuwentuhan mo muna ako.

Naglakbay ka raw sa kabundukan ng pagkabigo. Balita ko ay napakasakit daw manirahan doon. Ilang beses ka raw umiyak. Ilang beses na pumatak ang mga luha mo. Ilang beses na hinarap mo 'yong mag-isa... patawarin mo ako. Patawarin mo ako dahil hindi kita sinamahan noong mga panahong kailangan mo ako. Noong panahong dinaranas mo ang kabiguan mo... wala ako.

Tumawid ka raw sa dagat ng kalungkutan. Nilangoy mo raw ang sarili mong naipong mga luha. Nilusong mo raw ang nag-uumapaw mong sakit... at wala man lang ako para hilahin ka pataas. Muntik ka ng malunod. Muntik ka ng malunod sa sarili mong kalungkutan, at wala man lang ako doon para sagipin ka. Ni hindi kita sinamahan sa paglangoy. Patawarin mo ako.

Mahal, patawarin mo ako. Patawarin mo ako kasi paulit-ulit kong sinasabi sa'yong mahal kita, pero hindi ko man lang magawang damayan ka noong kailangan mo ako.

At ngayon... ngayon ay nakikita kong pagod ka na. Ngayon ay nakikita kong pinipilit mo na lang huminga. Ngayon ay nakikita kong bagsak na ang mga balikat mo. Ngayon ay nakikita kong puno ka na ng sugat...

Hayaan mong ako na muna ang maging sandalan mo. Magpahinga ka sa akin. Sandalan mo ako. Bubuhatin na kita.

Lalakarin ko ang daan ng pagtitiis. Titiyagain ko ang daan ng paghihirap... kumapit ka lang. Ako naman.

Ako naman ang bahala sa'yo. Ako naman ang magtitiis. Ako naman ang maghihirap. Magpahinga ka lang.

Dahil noong mga panahong naglakbay din ako sa kabundukan ng pagkabigo. Noong tinawid ko ang dagat ng kalungkutan... sinamahan mo ako. Mahirap ang mga pinagdaanan ko, pero alam kong may kasama ako.

Patawarin mo ako... hindi dahil sa nahirapan ka. Hindi dahil sa nasugatan ka. Hindi dahil nabigo ka. Hindi dahil muntik ka ng malunod sa sariling kalungkutan mo...

Patawarin mo ako dahil hinayaan kong pagdaanan mo 'yon ng mag-isa.

At ngayong pagod ka na... magpahinga ka na muna.

Pangako, kapag dilat mo ng mga mata ay nandito pa ako.

Sa pagkakataong ito, sasamahan na kita. Hindi mo na kailangang masaktan mag-isa.

Hindi mo na kailangang mahirapang mag-isa.

Dahil magkasama na tayong dalawa.

Kasama mo na ako... kaya magpahinga ka na muna.

Word VomitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon