Balik-tanaw...

82 54 59
                                    






Parang kahapon lang...

Hanggang ngayon ay naririnig ko pa ang tawanan natin habang nagtatampisaw sa ulan.

Walang alulod ng kapit-bahay ang pinalagpas natin. Walang umaagos na tubig ang hindi pinansin.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang maligo sa ulan sa malamig na panahon.

Parang kahapon lang...

Naririnig ko pa ang malakas na hiyawan. Sa ilalim ng ilang bilyong bituin, walang humpay na biruan.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang magkuwentuhan na akala mo ay hindi nagkita ng ilang taon.

Parang kahapon lang...

Noong gumagawa pa tayo ng saranggola na ating paliliparin. At kagaya ng mga makukulay nating saranggola, ang tawa natin ay tinatangay na rin ng hangin.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang makipagbunong-braso sa hangin buong maghapon.

Parang kahapon lang...

Gumagawa pa tayo ng papel na bangka at eroplano. Walang humpay na pagpilas ng papel sa ating mga kuwaderno. Kukulayan ko ng lila ang sa akin, asul naman ang sa iyo.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang bumuo ng mga simpleng bagay kagaya ng pagbuo natin sa mga pangarap natin ngayon.

Parang kahapon lang...

Mga naghahabulan pa tayo sa damuhan. At kapag pagod na, hihiga na lang tayo at panonoorin ang mga eroplanong nagdaraan. Sigigaw tayo na para bang kaya nila tayong pakinggan. Kakaway pa nga at tumatawang nagpapaalam.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang magpanggap na kaya tayong pakinggan at makita ng mga taong hindi natin kilala noon.

Parang kahapon lang...

Gustong-gusto nating nawawalan ng kuryente pag gabi. Maglalabasan tayo at bibilog ng magkakatabi. Kakanta tayo ng buong magdamag. Walang may pakialam kahit ang boses ng iba ay basag.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang magkakasamang kumakanta sa kabila ng madilim na panahon.

Parang kahapon lang...

Naglalambitin pa tayo sa punong-kahoy. Nagkakarerang akyatin ang mga puno na tila ba tayo ay mga unggoy.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang magtawanan sa tuktok ng mga puno, na para bang iyon na ang pinakamataas na lugar na mararating natin.

Parang kahapon lang...

Palagi tayong nakabilad sa araw. Kulay sunog na kanin, at amoy araw na rin ang ating mga balat. Gusto natin sa labas dahil mahal natin ang amoy ng kalayaan. Doon kasi ay malaya tayong ipagdiwang ang ating kabataan.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang mag-amoy usok na pinaghalong pawis ay kasing bango ng pabango para sa atin noon.

Parang kahapon lang...

Itinatago ko pa ang tsinelas mo sa ilalim ng basurahan. Ikaw naman ay natataranta, hindi alam hahanapin kung saan. Suot mo ang isang tsinelas, nakayapak ang isa mong paa. Ipapakita ko ang tsinelas mo, at itatakbo ko sa malayo, 'di ba?

Masaya na tayo ng gano'n. Ang pagiging isip-bata ay normal pa sa atin noon.

Parang kahapon lang...

Nakaukit pa ang mga pangalan natin sa dalawang magkahiwalay na puno ng mangga. Pati sa puno ng santol, kaimito at bayabas ay nakaukit na. Hindi ba't nilagyan pa natin iyon ng hugis puso? Nakangiti pa tayo sa isa't isa kasabay ng binitiwang pangako. Magkaibigan habambuhay. Magkapatid na tayo.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang makitang magkadikit ang mga pangalan natin sa puno natin. Oo, sa atin iyon. Inangkin natin... Pero wala na ang mga punong iyon ngayon. Sinira na rin ng paglipas ng panahon.

Parang kahapon lang...

Paborito pa nating laro ang taguan. Tuwing gabi lahat tayo ay naglalabasan. Nagpapalit pa nga ako ng kulay itim na damit para hindi ako agad mahanap. Nagtatago pa tayo noon sa ilalim ng sapa. Minsan ay umaabot na tayo hanggang sa bukid. Pero madalas ay diretso na akong umuuwi sa bahay, habang kayo ay naghahanap pa rin ng walang humpay. Nasa amin na ako, naglalaro pa kayo.

Masaya na tayo ng gano'n. Na ang mga kalaro lang ang tinataguan natin noon.

Parang kahapon lang...

Tumatawag pa tayo sa isa't isa gamit ang teleponong ginawa lang natin sa pamamagitan ng isang mahabang sinulid at dalawang lata. Dulo sa dulo. Sisigawan kita sa kabilang linya, at sisigawan mo rin ako.

Masaya na tayo ng gano'n. Nung mas mabilis pa ang teleponong lata kaysa sa komunikasyon ng mga tao ngayon. Totoong komunikasyon. 'Yon ang meron tayo noon.

Parang kahapon lang...

Nanghuhuli pa tayo ng tutubi. At ang mga nagliliparang alitaptap din sa pagsapit ng gabi.

Masaya na tayo ng gano'n. Ang mabuhay kasama ng mga luntiang insekto noon.

Parang kahapon lang...

Napapaaway pa tayo ng magkasama. Palagi kang tinutukso, sa akin ka palaging tumatakbo. Dahil ang kaaway mo, ay nagiging kaaway ko. Walang iwanan. Bugbugan kung bugbugan. Ganoon tayo.

Masaya na tayo ng gano'n. Uuwing puro galos pero mas matibay na ang relasyon. Away batang walang katapusan palagi nating pinagsasaluhan. Mga batang piling matapang kahit hindi naman.

Parang kahapon lang...

Tumatakas tayo para lang makapaglaro. Paguwi, sabay rin tayong mapapalo. Magkukuwentuhan tayo na para bang nakaranas na igapos. Pareho tayong galit, hanggang sa matatawa na lang tayong pareho pagkatapos.

Masaya na tayo ng gano'n. Na magkasama sa kalokohan. Magkasama rin namang nagdadamayan kapag nasasaktan.

Parang kahapon lang... Parang kahapon lang nangyari ang lahat.

Ngayong nagbabalik-tanaw ako sa aking kabataan. Sa aking kamusmusan... ngayon ko lubos na mas nauunawaan,

Na kulang ako kung hindi ko kasama ang aking mga kaibigan.

Ang simple kong kabataan na kanilang kinulayan.

Ang kamusmusan kong isinalba nila sa kalungkutan.

Siguro nga ay marami ng nagbago....

Hindi na tayo mga bata ngayon. Hindi na tayo kagaya noon.

Pero sa kabila ng mga lumipas na panahon, sa kabila ng mga dumaan na maraming taon...

Hindi mawawala ang ngiti ko sa pagbabalik-tanaw noong kasama ko pa kayo noon.

Dahil may mga alaalang nananatili sa loob nang mahabang panahon...

...at kayo 'yon.




-----




Medyo napapalunok ako habang isinusulat ko ito. Ang dami ko pa sanang gustong isulat... Kaso hindi ko na kinaya. Hahaha.

First Request: CHECKED.

Dahil makulit ang Favorite Creature ko. <3 <3 <3

Bossing eh. XD

Word VomitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon