May mga ilang bakit sa buhay na gusto niya ng kasagutan. Hinahanapan ng sagot sa kahit na anong pamamaraan.
Dahil may mga bakit na masakit. May mga bakit na hindi kayang magpatahimik. May mga bakit na dumudurog ng puso. May mga bakit na nangwawasak ng pagkatao.
Bakit.
Isang salita pero maraming iniiwang sugat. Maraming iniiwang tanong. Maraming iniiwang tao na nasasaktan pa rin hanggang ngayon.
Ang daming bakit. Ang daming tanong. Ang daming nangyayari. At ang gusto niya lang naman ay isang klarong sagot. Isang sagot na maiintindihan niya. Isang sagot na maipapaliwanag sa kaniya kung bakit nangyayari ang mga bagay na hindi niya naman hiningi.
Wala siyang makuhang sagot. Walang klarong tugon. Walang gustong magpaliwanag.
Bakit?
Bakit ang sakit? Bakit ako? Bakit ganito?
At ang pinakamasakit na bakit sa lahat...
Bakit nabubuhay pa ako?
Kapag hindi na malinaw ang mga bagay. Kapag mas marami na ang sakit. Kapag malabo na ang daan. Kapag ikaw na lang ang natitira para sa sarili mo...
Mumultuhin ka ng mga bakit mo.
Bakit? Bakit may mga tanong na walang sagot?
Bakit may mga bakit na nabuo para lang manakit?
Bakit. Bakit. Bakit.
Sa haba ng bakit sa listahan niya. Sa dami ng mga tanong na naipon na. Sa naipong mga bagay na umaapaw na...
Hindi niya na alam kung ang bakit ay tanong pa ba... o isang salita na nabuo para guluhin lang ang isipan niya.