Sa isang parisukat na kwartong madilim,
Itinarak ko sa mumunting libro ang lumang plumang patalim,
Upang isatitik at isatinig ang kwento ng aking kamusmusan,
Sa piling ng isang dilag na labis akong sinaktan,
Nagsimula kami bilang magkaibigan,
Unti-unti akong nahulog nang hindi ko namamalayan,
Sino nga ba namang hindi mapapahanga?
Sa kagandahang marami ang napapatunganga,
Saka ko na lamang napagtanto,
Na ang pag-ibig kong inakala ay hindi nga pala totoo,
At parte lamang ng aking ilusyon,
Kalauna'y nauwi sa depresyon,
Gabi-gabi ko siyang ipinagluksa sa langit,
Tanging naririnig ko lamang ay ang malulungkot naming awit,
Hindi niya alam na iginapos ko ang sarili ko sa kanya,
At sa gabi'y luha at panibugho ang naging lagi kong kasama,
Hindi niya man sinadyang ako'y pagkaitan nang pag-ibig na noon ko pa inaasam,
Mas naging buo sa isipan ang plinanong malungkot na pamamaalam,
Sa isang banda nalito sa pagkakaiba ng pantasya at realidad,
Pangarap na mapag-isa sa wakas ay natupad,
Ibinuka ang mga palad,
Inihanda ang sarili sa matayog na paglipad,
Isinigaw ang mga panibugho at galit na nararamdaman,
Kasabay ng pikit matang paglimot sa mga masasayang nakaraan,
Paalam malupit na mundo,
Paalam...
Sa isang kumpol ng mga ususero,
Tinapos ko ang pagiging tao,