"Hi, Dr. Louis Guinas. Pasensya ka na kung naabala ka na naman namin.""Nako, huwag na kayong mag-alala. Ang mahalaga, mas mabilis ang paggaling ni Mica. Nasaan nga pala siya?"
"Nasa kwarto po Doc, nagkukulong."
Mula sa kwarto, tahimik lang nakikinig ang isang babaeng nagngangalang Mica habang nakasandal sa kanyang pintuan. Siya si Micaella dela Torre, o mas kilala bilang Mica. Hindi na niya kailangang idikit ang tainga sa pintuan dahil sa tahimik ng loob ng kanilang bahay ay maririnig niya maski ang mga nag-uusap sa kusina.
Hindi baliw o may malalang disorder si Mica kaya may isang psychologist sa kanilang bahay na kinokonsulta siya. May isang maliit lang na bagay ang matagal nang nawala sa kanya at hindi na kailan mang bumalik.
Ang kanyang boses.
Hindi naman siya pipi simula nung pinanganak siya o sa madaling salita ay inborn. Nakakapagsalita siya noon nung bata pa siya. Madalas nga silang nagkakantahan ng kanyang ina kapag matutulog na ang batang Mica.
Pero isang araw, sa isang hindi malamang dahilan, biglang natagpuan si Mica sa loob ng kanyang kwarto na walang malay. Dinala nila ito sa ospital kung saan nandoon ang kanilang family doctor at psychologist na si Dr. Louis Guinas. Pero nang gumising na siya ay bigla nalang nawala ang kanyang boses.
Sabi ni Dr. Guinas, baka ang sanhi ng pagkawala ng kanyang boses ay ang severe trauma kaya hindi pa bumabalik ang kanyang boses. Dahil dito, homeschooled si Mica mula elementarya hanggang sa nakapagtapos siya ng junior high school. Kahit fifteen years old pa siya, magiging isang senior high school student na siya.
"Doc, wala na ba pong methods na maaaring makapagbalik sa boses ni Mica?"
"May isa pa akong naisip, pero hindi ako sigurado kung papayag kayong mag-asawa sa naisip ko."
Napatigil lang si Mica nang marinig ang suwestiyon ng doktor upang bumalik ang kanyang boses. Hindi rin nakapagsalita ang kanyang ina na hindi rin sigurado sa isasagot niya.
Naghari ang katahimikan sa buong bahay. Ang tanging maririnig lang ni Mica ay ang pagtahol ng mga aso sa kapitbahay. Magsasalita sana si Dr. Guinas nang biglang sumagot ang ina ni Mica.
"Sige, gagawin ko basta't para kay Mica."
Nang makaalis na ang doktor sa bahay ay lumabas na rin si Mica at tumungo sa kusina upang uminom ng isang baso ng tubig. Sa bawat paglunok niya sa tubig ay ang pag-asang bumalik na ulit ang kanyang boses. Nang maubos niya ang tubig ay napatingin siya sa sarili sa reflection mula sa refrigerator.
Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin bumabalik ang aking boses?
"Mabuti naman lumabas ka na ng iyong kwarto Ma'am Mica."
Napatingin siya sa nagsalita. Bumungad sa kanya ang isang matandang babae na may ngiti sa kanyang mukha. Siya si Manang Roselita, ang kanilang kasambahay mula pa nung bata pa ang ama ni Mica.
Dahil hindi makaintindi si Manang Roselita sa sign language ng dalaga, nilabas ni Mica ang kanyang notepad at ballpen mula sa bulsa at nagsulat ng mga gusto niyang sabihin.
'Nakakasawa na po kasi sa kwarto. Tsaka po...'
Binigyan lang ni Manang Roselita ng ngiti si Mica at sinabing, "Alam kong narinig mo ang pinag-usapan ni Ma'am Lorena at Dr. Guinas. Gusto mo bang gawin ang suwestiyon ni Dr. Guinas o hindi?"
Sandaling napatigil si Mica sa tanong ng kanilang kasambahay, at agad na sinulat ang mga salitang gusto niyang sabihin.
'Kung para naman po 'to sa kabutihan ko, papayag po ako.'
Pinabasa niya ito kay manang at may sinulat ulit upang dagdagan ang sasabihin niya.
'Kung para naman po 'to sa kabutihan ko, papayag po ako. Kaya lang po, natatakot po ako."
"Bakit ka naman natatakot?"
'Baka po ayaw nila sa'kin dahil hindi ako makakapagsalita.'
Napayuko si Mica at bumuntong-hininga. Agad naman itong niyakap ni Manang Roselita at tinatapik-tapik sa likod upang gumaan ang kanyang loob. "Huwag kang matakot o ikahiya dahil wala kang boses. Mahiya ka kung may mga ginawa kang masama sa iyong kapwa."
Kumalas na siya sa yakap at ningitian ang dalaga. "Bakit ka naman mahihiya na wala ka namang ginawang masama? Kasalanan mo bang nawala ang boses mo?"
Umiling si Mica.
"Ayun naman pala. Palagi mong tandaan ang mga bilin ko sa'yo na dapat palagi kang gumawa ng kabutihan sa iyong kapwa dahil 'yun ang tama. May boses ka man o wala, pantay-pantay lang tayong lahat. Naintindihan mo?"
Tumango si Mica at ngumiti sa kasambahay. Kahit kailan, maaasahan talaga si Manang Roselita dahil naituring na niya itong pangalawang nanay. Nagpaalam na itong maglalaba sa likod ng kanilang bahay kaya naiwan si Mica sa loob ng kusina.
Paano kung wala na talagang pag-asang bumalik ang boses ko?
***
Paglipas ng isang linggo, maagang gumising si Mica. Hindi pa sumikat ang araw ay kaagad na siyang bumangon mula sa pagkakahiga at dumiretcho sa banyo upang maligo. Sa unang pagtapak ng tubig sa kanyang balat ay kaagad na siyang giniginaw. Hindi niya inaasahang ganito pala kalamig ang tubig kapag madaling araw.
Pagkatapos maligo ay pinunasan na niya ang kanyang sarili at nagbihis ng uniporme na may tatak ng malapit na high school sa subdivision na tinitirhan niya. Oo, nagbihis siya ng uniporme dahil hindi na siya mag-aaral sa bahay kundi sa totoong eskwelahan na.
Ito ang paraan na naisip ni Dr. Guinas upang matalo ni Mica ang kanyang trauma na bumabara sa kanyang boses. Kahit labag man sa kalooban ng mga magulang ni Mica ay ginawa pa rin nila para sa kapakanan ng kanilang nag-iisang anak.
Pagkatapos mag-ayos ni Mica sa sarili ay agad siyang bumaba sa kusina kung saan nagluluto pa si Manang Roselita kasama ang kanyang anak na si Katrina.
"Good morning Mica!" Nakangiting bumati si Katrina sa nakangiting Mica. "Bagay na bagay sa'yo ang uniporme mo. Thumbs up!"
Dahil sabay lang lumaki silang dalawa ay kabisado na ni Katrina ang sign language na ginagamit ni Mica.
'Salamat! Pero ikaw pa rin ang pinakamaganda.' Ang pagpapahiwatig ni Mica kay Katrina.
Napatawa lang si Katrina. "Binibiro mo pa ako kahit alam kong totoo. Mabuti pa't umupo ka na at patapos na ang niluluto namin ni Mama."
Umupo na si Mica sa kanilang dining room kung saan siya lang mag-isa palagi na kumakain. Nang nilagay na ng mag-inang kasambahay ang mga nilutong pagkain ay sabay namang bumaba ang mag-asawang Dela Torre, ang mga magulang ni Mica.
'Good morning po, Ma at Pa.' Pagpapahiwatig ni Mica sa kanyang sign language.
"Good morning din Mica," bati ng ina niya saka umupo habang ang kanyang asawa naman ay umupo sa dulo ng mesa.
Tahimik lang silang kumaing tatlo. Pinagmasdan lang ni Mica ang kanyang ina na tahimik lang kumakain habang ang kanyang ama naman ay nagbabasa ng dyaryo.
Nang matapos na silang kumain ay hinatid na ni Mrs. Dela Torre ang kanyang anak sa eskwelahan. Papalag sana si Mica pero naisip niyang hindi pa niya kabisado ang daan patungo sa eskwelahan. Hindi rin naman papayag ang mag-asawa na hahayaan lang si Mica na pumunta na siya lang mag-isa.
"Mag-seatbelt ka. Pupunta na tayo ng eskwelahan."
Nag-seatbelt na si Mica at ginala lang ang mga mata sa labas ng kotse. Magkahalong emosyon ang nararamdaman niya ngayon. Saya, kaba, at lungkot.
-^-
BINABASA MO ANG
How Can I Say...
Short Story"They may be different, but there's something in common between them if you just look closely." Si Micaella de la Torre ay isang babaeng galing sa isang maykayang pamilya. Nasa kanya na ang halos lahat, pero may isang bagay ang wala sa kanya: Ang ka...