Hindi maiiwasan na sa bawat yugto ng ating buhay ay may makikilala tayong panibagong tao. Panibagong tao na maaaring makapagpabago ng ating buhay tungo sa kasiyahan at kalungkutan. Panibagong tao na gagabay sa atin tuwing naliligaw ang ating landas, panibagong tao na makakasama mo habang nabubuhay. Panibagong tao!
At sa yugto ng pahina ng aking buhay ngayon ay kasama ka. Hindi ko akalain na ikaw ay makikilala. Sa bawat pagbuklat ko ng pahina pabalik sa nakaraan, nilamon ng kalungkutan ang puso ko. Puno ng kadiliman at takot ang nanalaytay sa aking pagkatao, sapagkat naalala kong muli ang bawat kabiguan ko. Panahon na nasa maling direksyon, maling tao ang kinahalubilo, at maling desisyon na pinatungo. Maling ginawa ko dati ay bumabalik sa akin ngayon, kinakawawa ng mga kaibigang akala ko ay kakampi noon. Nanlulumo akong ibinalik ang pahina muli sa pinaka huling nasulatan at nakita kong may bakante at wala pang sulat. Kay linis at wala kang makikitang bakas, tila nakareserba para sa kaganapan bukas. Napatingin ako sa kabilang pahina nito, naroon ka pa rin at walang pinag bago. Binasa kong muli ang naging papel mo sa aking buhay at ako'y napangiti ng maalalang ikaw ang siya ring umagapay. Mga panahon na ako ay nangako sa aking sarili na hindi na magtitiwalang madali sa mga bagong darating na tao sa buhay ko. Paniniwala ko ay baka maulit, ayokong umasa sa pangalawang pagkakataon at baka magkamali muli. Ngunit sa iyong pag dating pananaw ko ay nabago, iyong sinasabi na "Hindi lahat ng tao ay magtataksil sayo. Iba si Juan kay Pedro dahil si Juan ay si Juan at si Pedro ay si Pedro. Hindi pwedeng ikumpara ang dalawang tao dahil kahit saan mo tignan magkaiba sila, magkaiba sila ng pagkatao at magkaiba ang kanilang pakikitungo. Maaaring ang isa mabait at ang isa ay hindi, may mabuti sa kanila at mayroong isang hindi. May hindi mo aasahang mapagkunwari, na sa una lang talaga sila magaling kaya huwag na lamang manghambing.
Naging positibo ang aking pananaw na alisin ang mga agam-agam. Binalik ko ang pahina sa mga panahong talo ako, binasa ng paulit-ulit at ako ay huminga ng malalim. Desididong tanggapin ang lahat dahil imposibleng makalimutan ang lamat. Pero gagawin kong inspirasyon ang kaganapan at laging iisipin na may makakaibigan pa ring tunay. Salamat sa yugtong ito, yugto na kung saan ikaw ang isa sa bida ng kwento ko. At magiging bida na tayo pareho sa susunod na yugto dahil natuto na ako sa sarili kong senaryo. Panibagong tao na hindi ko akalain na sa akin ay mapapalapit, siya ang aking naging sandigan. Pinalalakas niya ako sa aking kahinaan, mula sa aklat ng buhay, mga bisikulong nagmumutawi sa labi na nakakapawi ng sakit. Nakaramdam man ng buhay na may pait, dahil sa panibagong tao lahat ay nawaglit.
YOU ARE READING
Panibagong Tao
PoetryMay mga taong di mo aakalain na makikilala mo dahil sila ang tunay na kaibigan na para sa iyo.