Isang araw ay nakasalubong ko si duwag...
Sinabi niya sa aking hindi na siya magmamahal. Hindi niya kailangan ng kasama. Kaya niyang mag-isa. Na hindi sa kahit na sinong tao nakadepende ang kaligayahan niya.
Sinabi niya sa aking kalokohan ang masanay sumandal sa balikat ng iba. Na lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang dinadala. Bakit magpapabuhat ka pa?
Pero sa kabila ng lahat... Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa gilid ng mga mata niya. Nakita kong madiin na nakakuyom ang mga kamay niya. Nakita ko ang pagyugyog ng balikat niya.
Nakita kong nasasaktan siya.
Isang araw ay nakasalubong ko si matapang...
Nangingilid ang luha sa mga mata niya. Tinanong ko kung ano ang nangyari...
Sinabi niya kung paano siya nasaktan. Sinabi niya kung paanong nadurog ang puso niya.
Sa kabila nito, sinabi rin niyang handa siyang magmahal ulit. Sinabi niyang kapag handa na siya, kapag naghilom na siya, isusugal niya ulit ang puso niya. Kahit pa madurog lang itong muli.
Sinabi niyang kalokohan ang mabuhay ng nag-iisa. Na may karapatan siyang magmahal at mahalin ng tunay. Na may karapatan siyang sumaya sa piling ng iba. Na walang masama kung sasandal tayo sa kanila. Na puwede namang pagaanin ang dinadala ng isa't isa.
Sa kabila nito, nakita ko ang pagtulo ng luha niya. Nakita ko ang pangangatog niya. Nakita ko ang pagbagsak ng balikat niya...
Na kahit gusto niya ng sumuko dahil masakit na, mas gugustuhin niyang sumubok muli. Mas gusto niyang magbakasakali.
Nakita kong nasasaktan siya.
Nakita kong nasasaktan sila.