Gusto niya ng umuwi...
Gusto niyang umuwi sa mga taong nagmamalasakit sa kaniya. Gusto niyang umuwi sa mga taong naghihintay sa kaniya. Gusto niyang umuwi sa mga taong nagmamahal sa kaniya.
Gusto niya ng umuwi.
Gusto niya ng magpahinga sa piling ng mga taong aalagaan siya. Gusto niyang sumandal sa mga brasong poprotekta sa kaniya. Gusto niyang umiyak sa balikat ng mga taong yayakapin siya.
Gusto niya ng umuwi.
Gusto niyang umuwi sa lugar na matatawag niyang tahanan... Sa mga taong mayroong pagmamahalan.
Gusto niya ng umuwi.
Kaso sa bawat pagpasok sa pinto, apat na sulok ng pader lang ang pundasyon ng tahanan na mayroon siya ngayon.
Isang pamilyang estranghero na bukod sa mga pangalan ay hindi niya kilala.
At sa klase ng tahanan niya... Ayaw niya ng umuwi. Wala na siyang mauwian pa.
Ang nakatayong bahay ay matagal ng bumigay. Wasak na tahanan. Iyon ang tawag sa kanila.
Bakit ka bubuo ng tahanan at tatawagin itong wasak?
Nakatayo pa ang bahay ngunit matagal ng gumuho ang tahanan niya.
Gusto niya ng umuwi.
Gusto niyang may mauwian.
Kaso sa bawat pagpasok sa tahanang kinalakihan... Nakakalimutan niya na ang tunay na kahulugan ng salitang tahanan.
Ang tahanan niya ay malamig.
At kahit ilang beses pa siyang gumawa ng apoy, ilang beses pa siyang mapaso, masunog, para lang uminit sa loob... Dahan-dahan, unti-unti pa ring nawawala ang init niya.
Ang gusto lang naman niya ay ang makauwi sa tahanan niya...
Gusto niya lang namang makauwi.
Gusto niya lang naman na may mauwian.
At kung mayroon lang sanang lalapit at magpapakilalang tahanan... Uuwi na siya.
Uuwi na siya.
Gusto niya ng umuwi sa tahanan niya.