Ngayong iniwan na ng mga bituin ang kalangitan, ngayong hindi mo na rin mahagilap ang buwan, ngayong ang araw ay natatakpan na ng mga ulap na nagbabadya ng ulan...
Mayroon ka pa bang mapupuntahan?
Sinabi mo noon na ako ang paborito mong lugar. Natatandaan ko pa na sa tuwing malungkot ka, ako ang una mong tinatakbuhan.
Sinabi mo noon na ako ang paborito mong pahingahan. Natatandaan ko pa na sa akin ka nagpupunta kapag kailangan mo ng balikat na masasandalan.
Sinabi mo noon na ako ang paborito mong tawa. Natatandaan ko pa na sa akin ka lumalapit kapag gusto mong sumaya.
Pero lumipas ang mga araw, ulan, bagyo... Wala ng ikaw na bumalik sa tabi ko.
Hindi na ako ang paborito mo. At ito, heto pa rin ako... Na sa kabila ng mga ngiti na nasa labi mo, na sa kabila ng mga tawang naririnig ko... Umaasa ako, na babalik ka sa akin at sasamahang muli ako.
Ikaw at ako. Kasi ako, ikaw pa rin ang paborito ko.
Ikaw pa rin ang paborito kong lugar. Ikaw pa rin ang paborito kong pahingahan. Ikaw pa rin ang paborito kong tawa.
Hinihintay kita.
At kapag kagaya mo, iniwan ka niya kagaya no'ng iniwan mo ako...
May babalikan ka pa.
At kapag iniwan ka ng mga bituin mo. Kapag hindi mo na mahagilap ang bago mong buwan. Kapag hindi mo na makita ang liwanag ng araw...
Sa akin ka magpunta. Kasi tatanggapin kita.
Ikaw man ang bituin ko na umalis sa kalangitan. Ikaw man ang hindi ko na mahagilap na buwan. Ikaw man ang araw na naglaho sa nagbabadyang ulan...
Ako pa rin ito... Ang taong kahit ano pa'ng mangyari ay hindi mawawala sa tabi mo.
Bumalik ka lang. Kapag wala ka ng mapuntahan. Kapag pakiramdam mo ay wala ka ng babalikan...
Bumalik ka sa akin.
Dahil umalis ka man, bumuhos man o tumila ang ulan... Hindi no'n mababago ang katotohanan na nagbago ka man, ikaw pa rin ang paborito kong samahan.