V. Duwende

1.4K 39 5
                                    

Walang tao sa sampalukan nang dumaan ako roon. Magtatakipsilim na, tahimik at mapanglaw sa paningin ko ang malaking puno. Nakakakilabot pala sa sampalukan kapag nag-iisa rito sa hapon. Nasaan kaya sila? Si inay kasi, lagi akong pinilit matulog sa tanghali. Napapaglamangan tuloy nila ako. Siguro, nasa kabilang sampalukan ang mga y'un, o baka sa mga lupa ng kaka, nangunguha ng duhat o mabolo. O baka naman pinatulog din sila at hindi na nakapaglaro.

Tumakbo ako patungong tindahan sa di kalayuan. Sumabay sa akin ang malakas na ihip ng hangin. Sarap! Ikinampay-kampay ko ang mga braso na parang lumilipad.

Bumili ako ng isang balot na tsitsaron (hindi baboy, y'ung kwadrado). Kukutkutin namin ito ni Ate Mabel ng singkong bulaklak at saka isasawsaw sa suka. Sarap n'un!

Pauwi, nasalubong ko si Alex Pacita sakay sa kanyang bisikleta na tatlong gulong.

"Sa'n kayo nagpunta?" tanong ko.

Huminto si Alex. "Wala. Galing ako sa bahay. Pinatulog ako ni inay."

"Gawa na pala 'yan," sabi ko na tinutukoy ang bisikleta.

"Oo. Ipinagawa ni inay. Di ko raw pwedeng gamitin 'pag hindi ako natulog."

"Nakita mo ga si Alex?"

"Nagpamaynila raw. Kanina raw bago tumanghali, dinig kong usapan nina inay. Kaya raw umuwi nang maaga sina Daisy at Dobie (mga kapatid ni Alex Doding). Ipapasyal yata sila ng tatay nila bukas, kaysa umuwi," sagot ni Alex. "Pahingi ako!" dugtong niyang nakaaro ang isang kamay.

Binuksan ko ang tsitsaron at inabutan siya ng isang piraso.

"Sige ha? Hinihintay ako ni Ate Mabel."

"Sige, bukas na lang," sagot ni Alex na isinusubo nang buo ang tsitsaron, tapos ibinaling ang bisikleta pabalik siguro sa kanila.

"Pasakay ako bukas ha?" sigaw ko.

"Uo!" sagot ni Alex na hindi lumilingon at tutok sa pagpepedal.

Sa bahay, naglabas ng singkong bulaklak si Ate Mabel, at sinimulan na namin ang pagkutkot sa tsitsaron para mas madali itong pasukin ng suka at mas sumarap. Kaugalian na talaga ito sa kahit saang umpukan basta tsitsaron ang pinagsasaluhan. Pati si inay, nakikutkot na rin ng isa. Mamaya, magkasunod na dumating sina Ate Mavic at Ate Malou na parehong nakauniporme ng puting blusa at asul na palda. Wala na silang inabutang tsitsaron, pero may uwi naman silang sing-aling na isinawsaw din namin sa suka.

Dahil Biyernes, ilang araw nang walang isda sa palayok. Nagkasaw ng mga itlog si Kuya Ding, at muling ipinamalas ang galing niya. Sa halip kasing irolyo ang itlog, pinalalapad niya ito nang pabilog, parang malaking hotcake, tapos babaliktarin pa niya ito sa kawali nang hindi nadudurog. Si Kuya Ding lang ang nakagagawa niyon, kaya malimit siya ang nagluluto kapag itlog ang ulam.

Dahil Biyernes nga, nang gumabi na nagkatuwaan ang pamilya sa itaas ng bahay pagkakain. Malamlam ang ilaw sa kabahayan. Kahit nakabukas, marami pa ring anino na nakakadilim. Iniiwasan kong magtitingin sa paligid. Kasi, parang laging may gagalaw sa isang sulok na kung ano.

Sinabayan ni Ate Mavic ang "minus one" sa kaset. Kanta ng "Carpenters" y'un, di ko lang alam ang pamagat, at saka hindi ko rin maintindihan, basta maganda lang pakinggan. Syempre, sinundan y'un ni Ate Mabel ng "Top of the World" na siya ko lang natandaan dahil halos araw-araw niyang kinakanta. Nang maubos na ang kanta sa teyp, songhits naman ang humalili. Tuwang-tuwa ako sa "Balot Penoy" na kinanta ni Ate Mavic – kaboses na kaboses niya si Nora Aunor.

"Jepoy, ikaw naman ang kumanta. Kantahin mo y'ung 'Mahiwaga ang Buhay ng Tao.' Paborito mo y'un di ga?" sabi ni Ate Mavic.

"Paboritong tulugan!" sabi naman ni Ate Mabel.

"Hindi kaya! D'un nga siya nagigising e, kapag komunyon na," sabad ni Ate Malou na inaalalang malimit kong tulugan ang misa at sa kantang iyon lang ako nagigising.

Kasalukuyan silang nagtatalo-talo nang may masilip ako sa ilalim ng silya – ano kaya y'un? Maputi, maliit, parang... tao! Napayapos ako kay Ate Mabel.

"Ay! Bakit ga?" nawika ni Ate Mabel sa kabiglaanan.

"May tao... sa silya!" bulong ko.

Napaatras palayo sa itinuturo kong silya si Ate Mabel. Napatayo naman si Ate Malou na kasalukuyang nakaupo roon. Nagkatakutan na lahat, lalo't nakita nilang hindi ako nagbibiro. Ang totoo'y naiiyak na ako at namumutla sa takot.

Pinainom ako ni inay ng tubig.

"Ano ga naman ang batang ito?" aniya.

"Nakakatakot na e..." sabi ni Ate Malou.

"Ano'ng nakita mo?" tanong ni inay.

Si Ate Mabel ang sumagot. "Maliliit daw na tao sa ilalim ng silya."

"Duwende? Ano'ng kulay?" tanong ni Ate Mavic.

"Puti!" sabi ko, "Patulis y'ung sombrero... dalawa... nakatitig sa akin!" paputol-putol kong sabi.

"Ibig sabihin, matulog na kayo. Siguro'y naingayan sa inyo," sabi ni inay.

"Hindi naman sila galit," sabi ko. "Nakatingin lang..."

Nagpasukan na kaming lahat sa kwarto, sinisiksik ako ng tatlo kong ate. Panakaw kong nilingon ang silya. Wala nang kulay puti sa ilalim niyon. Nakita ko pa si Kuya Ding na isinasara ang mga bintanang kapis, na parang walang nangyari.

Kinuwintasan ako ni inay ng rosaryo para hindi raw ako lapitan ng mga maligno. Lalo kaming nagsiksikan sa kama pagkatapos ng nangyari. Hindi agad ako nakatulog. Maya-maya pa, tahimik na ang buong paligid. Balot na balot ako ng kumot, pero ang totoo, sa loob niyon gising pa ako. Pinapawisan na ako dahil sa init. Kung ano-anong naglalaro sa isip ko dahil sa kung ano-anong naririnig ko. Naroong tila umiingit ang hagdanan na parang may umaakyat, dahan-dahan. Parang dinig ko, may bumubulong-bulong na tila nasa ibabaw naming lahat, palutang-lutang siguro, parang espiritu, baka multo. Hindi ako makakibo, baka mapansin ako, baka biglang lumusot sa loob ng kumot at gapangin ako!

Biglang may humihigit ng kumot, pinigilan ko, pero nabuklat din ang bahaging tapat pa mismo ng mukha ko. Mariing mariing pumikit ako sa takot na baka kung anong makita ko. Hanggang marinig kong magsalita iyon.

"Pawis na pawis e! Ba't ka ga balot na balot e kainit?" Si inay pala iyon. Saka pa lang ako nakahinga nang maluwag at pupungas-pungas kunwaring nagmulat. Nilukob ako ng napakaginhawang lamig matapos ang ilang oras na pagtitiis sa init sa loob ng kumot.

"Tulog pa't mahaba pa ang magdamag," aniya. Pinaypayan niya ako at si Kael sa tabi ko.

Medyo napanatag na ang loob ko dahil alam kong gising pa si inay at nagbabantay sa amin. Ilang saglit pa at naramdaman kong tinatalo na ako ng antok. Nanaginip akong naglalaro ng maliliit na sundalong plastik. Walang ano-ano'y bumagsak ang isang munting helikopter mula sa maabong papawirin. Dadamputin ko raw sana iyon pero patakbong lumabas ang isang maliit na tao mula roon at nawala sa damuhan. Gustong gusto kong kunin ang helikopter dahil wala pa akong laruang kasingganda niyon at kagayang kagaya ng tunay na helikopter. Pero biglang nagtakbuhan ang mga tao sa paligid dahil hinahabol sila ng isang higanteng gagamba. Hindi ko na nakita uli ang helikopter. Ang alam ko lang, ang bilis-bilis kong tumakbo, gayong hindi naman gumagalaw ang mga paa ko – lumilipad ako!

Napabalikwas ako dahil mag-isa na lang pala ako sa kama. Umaga na. Umaabot na sa kama ang silahis ng araw mula sa bukas na bintanang kapis. Dinig kong naglalaba sa ibaba sina inay at Ate Mabel. Dali-dali akong lumabas ng kwarto at patakbong tinungo ang hagdan. Napatigil pa ako bago bumaba nang mamalayang nakakamulat na nga pala ako, hindi na magkadikit ang mga talukap ng mga mata ko – ang galing ng kaka!

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon