“Saan ka na naman pupunta.”, takang tanong ni Mama nang makitang naghahalungkat ako ng maisusuot.
“Ma, alam mo namang reunion namin di ‘ba? Nagpaalam na ako sa’yo nito eh.”, sagot ko.
“Alam ko naman ‘yon pero akala ko ay titigil ka muna dito sa bahay kahit ilang oras lang. Hindi yung ganyang kararating mo palang, aalis ka na.”, may himig ng pagtatampong sabi nito.
Kararating ko palang sa munting baryo namin galing sa Maynila. Ilang taon na rin akong hindi nakakauwi sa amin dala ng pagiging abala ko sa trabaho kung kaya’t hindi ko naman masisisi ang Mama kung ganoon ang naging reaksyon niya.
Pinagmasdan ko ang mukha ng aking ina.
Mababakas na rito ang katandaan. May mga kulubot na ang mukha nito at unti-unti na ring namumuti ang mga buhok. Sa edad nitong singkwenta y dos ay maihahalintulad na ito sa isang sisenta anyos na babae.
“Ma naman, babalik din naman ako bukas eh.”, paglalambing ko rito. “Promise, bukas, buong araw nyo akong makakasama.”, sabi ko sabay taas ng kaliwang kamay na parang bata.
Umiling na lang ito tanda ng pagsuko.
“Maling kamay.”, ani nito.
“Ay!”
Dali-dali kong pinalitan ang kamay ko at saka binitawan ang isang pagkatamis-tamis na ngiti.
Tinawanan nalang ni Mama ang ginawa ko saka lumabas ng kwarto.
“Basta’t mag-iingat ka ha.”, sabi pa nito bago pa man makaabot sa pintuan ng kwarto ko.
“Opo.”
Isang green na v-neck t-shirt ang napili kong isuot. Pinarisan ko ito ng itim na slightly fitted na pantalon at pinatungan ng blazer. Puting sapatos naman ang isinuot ko para bumagay sa suot ko.
“Handa na ako.”, sabi ko sa sarili.
Dali-dali kong hinanap ang susi ng motorsiklong ipinabili ko kay Papa gamit ang ipinadala ko ritong pera. Nang makita ay nagpaalam na ako kay Mama at sa apat kong kapatid saka umalis.
Habang nasa daan patungo sa lugar kung saan ipagdadaos ang reunion ng aming barkadahan ay hindi ko mapigilang hindi kabahan. Pitong taon na kaming hindi nagkikita. Pitong taong walang komunikasyon, walang balita sa isa’t-isa. Kamusta na kaya siya? Ano kayang ipinagbago niya? Ano kayang magiging reaksyon niya sa muli naming pagkikita?
Sa isiping iyon ay dali-dali kong pinaharurot ang motorsiklo upang mas mabilis na marating ang pupuntahan.
Nasa labas palang ng resort ay maririnig na ang tawanan.
“Mga balahura talaga patawanin tong mga to.”, naiiling kong sabi sa sarili ko.
Hindi pa rin talaga nagbabago ang mga kaibigan ko.
Pumasok na ako ng resort.
“Haay! Sa wakas! Dumating na ang dalaga natin.”, biro ni Jim na may hawak na bote ng RH.
Tumawa naman ang lahat.
“Syempre, ganun talaga kaming magaganda.”, sagot ko naman.
“Hanep, hindi pa rin talaga nagbabago, ang kapal pa rin ‘di lang ng mukha, pati yata baga makapal na rin eh, anlakas ng hangin.”, pambabara ni JV.
“Oo, nakakaitim kasi ang init ng panahon ngayon, kaya kailangan kong lakasan ang hangin. Baka kasi tuluyan kang mangitim eh, di ka pa makilala ni Cass.”, balik pambabara ko rito.
Tumawa nalang si Cass. Si Paul at si Dennis nakikitawa lang rin kasama si Che at Kassy na kani-kaniyang mga girlfriend. Isa-isa kong binati ang mga tao sa loob. Nandoon ang lahat ng mga kaklase namin. Ang iba, may mga batang dala. Ang iba, asawa ang bitbit. Nakakapanibago. May kani-kanya na kaming mga buhay. Napangiti ako.