Nakita nanaman nya. Nakita nanaman nya ang lalaking laging nakamasid sa kanya. Wirdo ang dating nito ngunit hindi na lang nya pinansin at saka nagpatuloy sa pagkain.
Sya si Shayne Jenikka Huang. Nasa ikatlong taon na sya sa Hayskul. Isang mabait at masipag na estudyante. Lagi syang nangunguna sa klase. Maraming pumupuri sa kanya. Maraming humahanga sa kanyang taglay na talino at ganda. Marami syang kaibigan. Mayaman sya. Ang ama nya ay isang negosyante samantala, ang kanyang ina naman ay isang enhinyera. Masasabi mong perpekto ang buhay nya. Masasabi mong nasa kanya na ang lahat. At masasabi mong masaya sya. Ngunit... masaya nga ba sya?
MONOLOGO NI SHAYNE
Muli nanamang sumikat ang araw. Kailangan ko nanamang bumangon upang harapin ang impyerno ng buhay ko. Ako mismo ang lumalapit rito dahil kailangan ko ito upang maabot ang langit ng buhay ko. Sa mismong lugar na tinatapakan ko, naririto ang impyerno.
Lumabas na ako sa 'king silid. Bihis na at handa nang pumasok sa eskwela. Tulad ng nakasanayan, mag-isa nanaman ako sa hapag. Nakatunganga sa mga ulam na kung tutuusin ay masarap at nakakaganang kainin ngunit sadyang di ako ganahan. Tumayo na ako. Walang paalam na umalis at muling tumungtong sa ikalawang impyerno ng buhay ko. Ang pekeng eskwelahang ito.
Heto nanaman sya. Nag-uumpisa nanamang kumawala sa aking loob. Ang isang parte ng pagkatao ko na ayaw kong palabasin. Ayaw kong ipakita ngunit... nabigo ako. Lumabas na sya... ang pekeng ako.
Nakangiting pumasok ako sa aking silid. Umupo sa aking silya at ipinatong sa mesa ang aking mga aklat. Agad na lumapit ang aking mga kaibigan ngunit ni minsan di ko itinuring bilang isa. Napaliligiran ako ng kalat na sumisira sa pagkatao ko. Ako'y tila ang mundo at sila ang polusyon ko. Nagkalat nanaman ang mga basurang di nabubulok. Ang mga basurang mapagpanggap at ang mga basurang abusado.
'Shayne, ang ganda mo.', 'Oo nga. At tila lalo kang gumaganda.', 'Ang talino mo talaga.', 'Ikaw ang pinaka mabait na taong nakilala ko.'
KASINUNGLINGAN. 'Yan lang ang salitang masasabi ko sa kabila ng mga papuring natanggap ko. Hindi ko ninais, ni hiniling sa kanilang ako'y batuhin ng kanilang kasinungalingan ngunit, sadyang nagkukusa sila.
Natapos ang klase at nakita ko nanaman sya. Sa halos tatlong taong pag-aaral ko sa eskwelahang ito walang araw na sya'y di ko nakita. Isang lalaking laging nakamasid. Laging nakabantay sa 'king mga kilos. Nakakatakot ngunit sadyang wala akong interes. Wala akong panahon.
Umuwi ako sa amin at isang kaaya-ayang eksena ang aking naabutan. Sa sobrang kaaya-aya ay hindi ko nagawang umalis sa aking kinatatayuan. Dapat sanay na ako ngunit hindi ko mapigilang umasa na isang araw uuwi rin akong magkaayos sila, na uuwi rin akong may yakap ng inang sasalubong sa akin, na uuwi akong may amang nag-aalala para sa akin, at uuwi rin akong may ngiti sa labi. Ngunit ganito nga ata talaga ang buhay, perpekto mang masasabi ang buhay ko, pero hindi naman pala kapag hinalungkat mo. Ang saklap. Hindi lahat ng masaya ay masaya. Masyadong madaya ang buhay o mas tamang sabihing masyadong madaya ang tao.
Tumigil sila sa kanilang pagbabangayan nang makita nila ako. Blangkong tingin lang ang iginawad ko sa kanila bagamat bakas ang gulat sa kanilang mga mukha. Parang hanging dinaanan ko ang aking ama't ina. Paakyat na sana ako ngunit nasa ikatlong baitang pa lang ako ng hagdan ay nagsalita ang aking ina.
"Narito ka na pala, anak." wika nya. Gusto kong sabihing 'Oo, kanina pa. Mukhang masyado kayong abala para mapansin pa ang presensya ko.' Ngunit walang salitang namutawi sa mga labi ko. Hindi ko ugaling sumagot sa kanila. Mas pipiliin kong manahimik kaysa magpaliwanag at makipagtalo pa.
![](https://img.wattpad.com/cover/115982919-288-k968093.jpg)