Karsel

585 29 47
                                    

Ito ay isang maikling kwento na sana ay ipapasa ko sa isang patimpalak. Ngunit nang ito'y aking suriin nabanaagan kong hindi ito akma sa tema ng antolohiya. Kaya nagpasya akong ipaskil na lamang ito rito. Sana ay maibigan ninyo. Maraming salamat!

--------------

Nagising ako sa kakatwang katahimikan, at tila ba wala akong maramdamang kung ano. Hindi ako nilalamig. Hindi rin naiinitan. Nagkusot ako ng mga mata. Pagkatapos ay hinawi ko ang kumot na tumakip sa bewang ko pababa. Mabigat ang pakiramdam ko na para bang inaantok pa ako.

May kakaiba sa paligid. Hindi ko batid kung ito'y dahil sa nakakabinging katahimikan o sa kakaibang atmospera. Dahan-dahan akong bumangon at tinungo ang bintana. Hinawi ko ang kurtina upang tingnan ang paligid. Malamlam ang kapaligiran. Maulap ang kalangitan. Walang ilaw ang mga kabahayan. Walang taong naglalakad sa kalye. Wala akong naramdamang hangin. Walang huni ng ibon o kung anong tunog.

Kaya naman nagulat ako nang tumunog ang telepono ko. Matagal ko itong tinitigan habang gumagalaw at umiilaw ito sa ibabaw ng mesang katabi ng higaan ko.

Sorry, Ben. Iyon ang saad ng text mula kay Nelson. Muling tumunog ang hawak ko. Binasa ko naman ang sunod na mensahe mula sa kanya. Sana nababasa mo ito. Sana. Hindi ko alam kung mapapatawad ko ang sarili ko. Grabe ang iyak ko ngayon. Ben, alam mo naman kung ga'no ka kahalaga sa akin. Wala akong mukhang maihaharap sa mama mo.

Bumuntong-hininga ako. Hindi ko maintindihan kung ano ang mararamdaman. Ang alam ko lang naghiwalay kami ni Nelson dahil may nabuntis siyang babae. Ayoko na sagutin ang mensahe niya. Wala na rin namang saysay. Tanggap ko na na wala na kami, na ang lipunang ito ay ginawa hindi para sa katulad kong sa kapwa ko lalaki umiibig.

Binuksan ko ang pinto upang lumabas ng silid, ngunit ginulat ako ng kakatwang dilim. Wala akong maaninag sa tila kwadradong itim sa tapat ko.

"Ma?" tawag ko. Walang sumagot. Tahimik ang bahay. Kinuha ko na lang ang cellphone ko upang gamitin ang ilaw mula rito. Naaninag ko rin ang mga baitang ng hagdan pababa. "Ma, brownout na naman ba?"

Napakatahimik. Kinapa ko ang switch ng ilaw nang makarating ako sa ibaba. Nanatiling patay ang ilaw sa sala.

"Ma!" Ginala ko ang tingin sa paligid. Tahimik pa rin ang madilim naming bahay. Wala namang kakaiba maliban sa bahagyang nakabukas na pinto. Sumilip ang malamlam na liwanag mula sa labas sa siwang. Naaninag ko ang mga mwebles. Nasa pwesto nila ang mga ito. Hindi naman nagulo ang bahay. "Ma?"

Wala talaga si mama. Siya lang kasi ang kasama ko dito sa bahay simula noong naghiwalay sila ni papa. Wala rin dito ang ate ko na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Muling tumunog ang cellphone ko. Si ate nagpadala ng mensahe sa Messenger. Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko? Si mama nasaan? Bakit walang sumasagot sa inyo sa mga tawag ko?

Nag-type ako ng sagot. Wala naman akong natatanggap na tawag ah. Ayaw ma-send. Malamang dahil walang kuryente, kaya wala ring internet. Hindi ko na inisip kung paano nakapasok ang mensahe niya.

Lumapit ako sa pinto at binuksan ito nang husto. Hindi pangkaraniwan ang katahimikan. Dahan-dahan akong lumabas ng bahay. Wala ang karaniwang aliwalas ng umaga. Ni huni ng isang ibon ay wala akong narinig. Walang yapak ng mga taong papunta ng palengke o ng trabaho. Wala ang tawanan ng mga batang mag-aaral na patungo sa kanilang mga eskwelahan. Walang tunog ng makina ng mga sasakyang lahat yata ay nakapirmi lamang sa gilid ng kalsada.

Tumingala ako. Ang himpapawid ay nabalutan lamang ng makapal na kaulapan. Tila ba ay nakakalungkot na hindi ko nasisilayan ang sinag ng umaga. Sa halip ay binalot ng maulap na kalangitan ang mga puno't kabahayan sa iba't ibang lilom ng kulay abo.

Karsel (One Shot/Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon