Timekeeper by Tumani Mutaah

39 1 1
                                    

Hindi ako tulad ng karamihan na humihiling na sana mapahinto nila ang oras. Hindi ko na 'yon gugustuhin. Dahil nagawa ko na. Hindi n'yo lang napansin. Pero napahinto ko talaga ang oras.

Katibayan? Hindi pa ako nalalate sa pagpasok. Gumigising ako limang minuto bago bumusina ang bell ng pinapasukan. At sa pagitan ng mga oras na 'yon, kaya kong kumain, maligo at ayusin ang sarili. Kaya kong pahabain ang umaga. Wala pa akong project na hindi naipasa sa tamang oras - kahit na gaano pa kahirap 'yan. Alas-nuebe ng gabi ako nagsisimula. Alas-nuebe rin ng gabi ako natatapos. Dahil kaya kong patagalin ang dilim.

Mataas lagi ang nakukuha ko sa exams. Walang review review. Pagkahawak sa test paper, gagamitin ko na ang aking power. Bubuklatin ang notes at hahanapin ang answers. Hinahayaan ko na lang minsan na mag-iwan ako ng maling sagot. Para hindi halata. Kaya kong sumilip sa sagot ng katabi. Pero 'yon ang hindi ko ginagawa. Mabait rin naman ako minsan. Hindi ko magagawang nakawin ang pinaghihirapan ng iba. May sarili rin naman kasi akong istilo ng paghihirap. Mahirap kayang maghanap ng mga sagot sa mga books at notes! Swerte ko nga lang. Mahaba ang oras ko.

May tumalong langgam sa 10th floor ng building. Hindi ko sinalo. Malakas naman kasi ang air resistance n'ya kaya 'di s'ya mamamatay. Pero noong may nagtangkang magsuicide sa parehong floor ng parehong building, nag-astang superhero ako. Ang pinagkaiba nga lang, wala akong kapa. Hindi rin ako nakasuot ng pantalon tapos brief ang nasa labas. Ang alam ko lang, superhero ako. 'Pag huminto ang oras, titigil ang lahat ng bagay. Tumigil din s'ya sa pagkahulog. Ako lang ang nakakagalaw. Buti na lang, kakatalon n'ya lang at nasa tapat s'ya mismo ng bintana sa may 9th floor. Pinilit ko s'yang abutin. H'wag mo nang itanong kung paaano ko ginawa. Basta nagawa ko. Nailigtas ko ang buhay n'ya. Kumaripas ako sa ground floor. Pinaikot ulit ang mundo. At umarteng walang superhero sa totoong buhay.

Nailayo ko na ang iba mula sa tama ng baril, saksak ng kutsilyo, at madalas, tinta ng ballpen. Nakahingi ako sa mga madadamot at binigyan ang mga tumatanggi. Naunahan ko pa ang world's fastest runner. Nakarating na ako sa iba't ibang lugar. Naging seaman ako sa lupa. Ako na ang magaling! Ako na ang matalino! Ako na ang superhero! Ang saya 'di ba? Ganyan talaga kapag hawak mo ang oras ng mundo.

Kaya pala late na naman ako sa eskwelahan. Masyadong mahaba ang panaginip ko. Napasarap ang tulog. Gagamitin ko ba ang power ko? Matesting nga! 1... 2... 3... Boom! Wala. Balik sa realidad ng buhay. Na hindi ko talaga kayang pahintuin ang oras. Na ang lahat ay panaginip lang. Na ang lahat ay talagang pinaghihirapan.

Kung gusto mong maging magaling...

Kung gusto mong maging matalino...

Kung gusto mong maging superhero...

H'wag mong iasa lahat sa panaginip. Masyadong nauubos ang oras mo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 04, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Timekeeper by Tumani MutaahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon