Nagsulat siya noon...
Nagsulat siya at hindi niya alam kung mababasa mo ito ngayon.
Nagsulat siya... at inilagay niya ro'n lahat. Lahat ng pangarap niya. Lahat ng gusto niyang maging. Lahat ng gusto niyang abutin...
Ang isang blangkong papel ay napuno niya rin.
Nagsulat siya kahit alam niyang walang makakabasa... nagsulat siya.
Inilagay niya sa papel ang pangarap niyang kay hirap abutin... pangarap na kasing hirap tulad nang pagsungkit sa mga bituin.
Isinulat niya sa papel ang pangarap niyang kay hirap tuparin... pangarap na kasing hirap tulad nang matarik na bundok na kailangan pang akyatin.
Pinuno niya ang papel ng mga pangarap na alam niyang imposibleng maabot...
Pinuno nang musmos na siya ang papel ng mga pangarap niya ng wala man lang takot... napuno nang batang siya ang papel na iyon.
Napuno siya ng pangarap noon. Punong-puno siya ng pangarap noon... at sa paglipas ng panahon, natutunan niyang hindi lang pala tao ang namamatay...
Dahil namatay rin ang mga pangarap niyang iyon... ang punong-puno na papel ay nakatago na lang ngayon. Napaglipasan ng panahon... totoo ngang hindi na maibabalik ang kahapon.
Dahil ang batang musmos na puno ng pangarap noon, ay lumaki nang hindi alam ang gusto niya ngayon.
At ngayon, kapag tinitingnan niya ang papel, binabasa ang mga isinulat niya...
Nalulungkot siya.
Ang papel na pinuno niya ng pangarap ay ginawa na lamang niyang eroplano...
Paliliparin niya ito.
Dahil kahit marami ang nagbago sa plano... umaasa pa rin siya na balang-araw, kagaya ng eroplanong papel...
Lilipad siya... at baka-sakaling kahit papaano ay maabot din niya ang mga pangarap niya.
Nagsulat siya noon... nagsulat siya noon kahit alam niyang maaaring hindi para sa kaniya ang pagkakataon.
Pinuno niya ng pangarap ang eroplanong papel na iyon...
At sana... sana liparin ito sa direksyon na gusto niyang puntahan. Sa lugar na gusto niyang mapuntahan...
Kung saan nakalibing ang mga pangarap niya... bibisitahin niya ang mga ito.
Aalalahanin ang pakiramdam noong nabubuhay pa ang mga ito sa puso at isipan niya...
Ang eroplanong papel niya... dala ang pangarap niya. Bitbit ang mga mithiin niya...
Sana tangayin ito ng hangin sa matagal niya ng hangarin...
Sa huling pagkakataon, isusulat ulit niya ang mga gusto niyang abutin.
Sa isa pang pagkakataon...
Gusto niya muling mapuno ng mga pangarap.
-----
Second Request: CHECKED.
To my very demanding PMS-y Ate... Ito na po, Bossing.
Isa na lang po ha!
I Lupang Hinirang you. <3 <3 <3