Nang Dahil sa Pag-ibig

106 3 4
                                    

Contest Entry - The Voice Wattpad (Knockout Round)

“Tol, nakita mo ‘yun? ” tanong ng isang binata sa kasama nito.

 “Ano?” kunot-noong balik-tanong nito.

“May dumaang magandang babae sa gawi dun,” sabi nito sabay turo sa isang malaking puno ng balite.

“Ano bang pinagsasasabi mo? Magandang babae sa bundok? Tarang bumaba, mahirap maabutan ng dilim dito,” sagot ng kasama nito, at mabilis na tumalikod para tunguhin ang daan pababa.

Matapos ang anim na oras na pag-akyat sa Mount Celastica, nakita nila ang ipinagmamalaki nitong falls. Bali-balitang nakakagamot ang tubig na galing doon, kaya kahit pa mahirap marating at restricted area na iyon—dahil ilang mountaineers na ang nawalang parang bula doo’y hindi sila nagpapigil. Kailangan kasi nila ang mahimalang tubig para sa kanilang Amang may cancer.

Nasa masukal na parte na sila ng gubat nang  makarinig sila ng malamyos na tinig. Kumakanta ito ng awiting hindi nila batid. Hindi nila alam kung ano ang mayroon sa tinig nito, dahil wala silang nagawa kundi sundan kung saan ito nagmumula kahit pa nais nilang ignorahin na lang ito.

Nang matunton nila kung saan nagmumula ang tinig, tumambad sa kanila ang isang babaeng nakaupo sa silyang puno ng tinik. Nakasuot ito ng puting bestidang hanggang sakong. Mahaba ang kulot at kulay ginto nitong buhok,  may maamong mukha, mapupulang labi, at matangos na ilong. Ang kutis nito’y kawangis ng perlas—maputi at nagniningning. Hindi nila napigilang humanga sa taglay nitong karikitan. At nang mapatitig sila sa nangungusap na mga mata nito, parang mahikang nawala sila sa sarili.

***

Ibinaba ni Heira ang binabasang libro. Nabuhay ang kunsensiya sa puso niya nang makita kung paanong ang makinis na balat ng dalawang lalaking nakahandusay sa paanan niya’y naging kulubot. Nagmamakaawa ang mga ito sa kaniya. Humihingi ng tulong. Pero nang maalala niya kung para saan ang ginagawa niya,  dagli ring nawala iyon sa kaniyang puso. Hindi siya dapat makaramdam ng awa.

Ayon sa kasunduan nila ni Sitan, kaluluwa ng sampung lalaki ang dapat mailagay niya sa Uria—ang mahiwang kuwintas na suot niyang nagmula rito na siyang tanging bagay na makatutulong sa tulad niyang isang diwata para makapasok sa mundo ng mga tao.

Naramdaman niya ang pag-iinit ng Uria. Kasabay niyon ang pagpasok ng maputing liwanag doon at pagkawala ng katawan ng dalawang lalaki.

Napangiti siya. “Konting tiis na lang magkakasama na tayo, mahal ko,” aniya sa isip.

***

“Heira, sigurado ka ba d’yan sa gagawin mo?” tanong sa kaniya ni Tala.

“O-oo naman,” alanganin ang ngiting sagot niya rito.

Hinawakan siya nito sa kaliwang braso. “Sa bawat maling desisyon na nagagawa natin, may mga bagay na nawawala sa atin. At hindi lahat ng nawawala, nakakaya nating bawiin.”

Binalingan niya ito at hinimas ang kamay nitong nakahawak sa braso niya.

“Ipagpapalit mo ang lahat para lang sa sinasabi mong pag-ibig na wala namang kasiguraduhan?” kunot-noong tanong nito.

Maraming kautusan ng kanilang ama ang sinuway niya. Ang pagtapak niya sa Lurid, ang pinaka-madilim at pinaka-mapanganib na bahagi ng Celastica ay isang pagkakasala na. Idagdag pa ang pakikipagkasundo niya kay Sitan—ang pinakamasamang diwatang bilanggo sa lugar na iyon. Ngunit ang pinakamabigat sa lahat ay ang pagpunta niya sa mundo ng mga tao. Nangangahulugan din iyon ng pagtalikod niya sa tungkuling maging susunod na reyna ng kanilang lahi.

Napangiti siya nang mapait. “Gan’on naman talaga ang pag-ibig. Maihahalintulad natin ito sa isang sugal. Paanong  madarama ang sarap ng pagkapanalo kung hindi tataya? At sa pagkakataong ito, itataya ko ang lahat.”

Stories from the HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon