Hindi ba...
Hindi ba't kapag nabibigatan ang ulap ay bumubuhos ang ulan?
Gano'n ka rin... Bumubuhos ang luha mo kapag ikaw ay nabibigatan naman.
No'n ay iniisip mo kung may pagkakaiba ka ba sa kalangitan.
Ngayon ay alam mo na...
Hindi gano'n kalaki ang inyong pagkakaiba.
Dahil ang kalangitan ay marunong 'din umiyak. Ang hinanakit nito ay kusa ring bumabagsak.
At ngayong naiintindihan mo na... Na ang kalangitan at ikaw ay may pagkakapareha.
Sa kaniya ay palagi mong gustong sumama... Sa gitna ng kaniyang pag-iyak, nando'n ka.
Ano ba ang pagkakaiba?
Kapag ang ulan at ang luha mo ay bumuhos na... May makakapansin pa ba?
Malalaman ba nila kung ito ba ay ulan o luha mo?
Malalaman ba nila kung ito ba ay ang hinanakit ng kalangitan o ang hinanakit mo?
Wala. Walang makakaalam.
Dahil ang ulan, kagaya ng pagdamay mo sa kaniya... ay handa kang damayan.
Umiyak ka sa kalagitnaan niya. Tumingala ka sa kalangitan.
Wala kayong pagkakaiba.
Dahil katulad mo, napagdaraanan niya rin ang dilim. Kagaya mo, dinaranas din niya ang pagtalikod ng araw.
Ang luha mo at ang ulan...
Kailangan mong matutunan na hindi lang ikaw ang nakararanas ng pinagdaraanan mo. Hindi lang ikaw ang nag-iisang tao na nakatayo sa ilam ng kalangitan.
Hindi lang ikaw ang umiiyak sa gitna ng ulan.
Umiyak ka. Pero kailangan mo ring tumahan.
Tahan na. Titila rin ang ulan. At kailangan mo na ring patilain ang luha mo.