KASALUKUYAN kaming nakaupo sa isa sa mga upuan sa Training Hall. Ilang araw na rin ang nakakalipas at ngayong araw na nga magaganap ang pinakahinihintay ng lahat, ang First Leveling.
Ang lahat ng mga estudyante na nasa baitang namin ay nandito sa loob ng hall. Ang ibang baitang ay tapos nang sumabak sa First Leveling noong nakaraang mga araw.
"10 minutes before we start," anunsyo ni Sir Ron.
Nabaling naman kaagad ang atensyon ko sa gitna ng hall. Nakatayo roon si Sir Ron samantalang si Sir Senji naman ay tila iniinspeksyon ang pabilog na entablado na kinatatayuan ni Sir Ron.
Malaki ang entabladong iyon. May nakabalot na kung anong enerhiya na nakapalibot sa bilog dahil ang imahe ni Sir Ron na nakatayo sa loob nu'n ay medyo malabo at may gumagalaw na hibla ng kuryente.
Hindi naman ito mapanganib at nakakakuryente, dahil nang lumabas ang guro ay parang walang naging epekto sa kaniya ang enerhiyang iyon. Ang sabi nina Demi, ang enerhiyang iyon ay isang shield para hindi tumalsik palabas ng bilog ang kung anumang enerhiya o bagay na gagamitin ng mga estuyante habang ginagawa ang bawat challenge na ibibigay ng isang Illusionist. Ang bawat challenge ay magdedepende raw sa abilidad na mayroon ang estudyante.
Sa tabi ng pabilog na entablado, sa harap ng upuan ng mga guro, naroon nakatayo ang isang parihabang bagay na may lamang asul na likido, na kung tawagin daw ay Measuring Bar of Ability. Malalaman daw ang lebel ng ability ng sasalang sa pagtaas o pagbaba o 'pag manatili lang sa normal na pwesto nito ang likido.
"Ellis, samahan mo 'ko."
Napalingon ako sa katabi kong si Cheska dahil sa kanyang sinabi. Nagtatanong ang mga matang tinitigan ko siya. Saan naman siya pupunta? Malapit na magsimula ang First Leveling, ilang minuto na lang ang hihintayin.
"Sa dorm lang. Sandali lang talaga tayo roon. Kukunin ko lang iyong panyo ko, naiwan ko kasi. Sige na, please. Mag-teleport na lang tayo para mabilis." Pinagdikit pa niya ang dalawa niyang palad habang sinasabi iyon.
"Oo nga, Ellis. Pagbigyan mo na 'yan," nakangiting sabi ni Demi.
Napalingon naman ako sa kaniya. Parang iba ang dating sa akin ng sinabi niya. Nagkibit balikat na lang ako at hindi na umusisa pa.
Hinawakan ko ang kamay ni Cheska at sabay kaming naglaho. Sa isang iglap lang ay nandito na kami sa tapat ng kwarto niya. Pumasok kaagad siya sa loob at sumunod naman ako. Sumandal ako sa nakabukas na pintuan para hindi ito magsara.
"Mukhang importante yata ang panyong hinahanap mo dahil binalikan mo pa talaga," sabi ko habang pinagmamasdan siyang hanapin iyon sa kabinet niya.
"Napakaimportante talaga nu'n, Ellis. Lucky charm ko kasi 'yon kapag Leveling. Bigay kasi ni Mom 'yon." Nakangiti siya habang sinasabi iyon. Parang may mga alaala na biglang sumagi sa isip niya habang nagsasalita. Napangiti na lang din ako nang maalala ko si Nanay.
Habang pinagmamasdan ko siyang hanapin ang panyo ay may nakaramdam akong kakaibang presensya. Bigla na lang may lumitaw na lalaking nakaitim sa likod ni Cheska. Para akong naestatwa sa kinatatayuan ko habang nakatitig sa patalim na hawak ng lalaki.
Natauhan ako sa nangyayari nang akmang sasaksakin na niya sa likuran si Cheska. Pigil ang hininga na pinalaho ko ang patalim na iyon. Segundo lang ang pagitan ay hawak ko na ang patalim ng lalaki.
Dahil sa nangyari, napalingon ito direksyon ko, nanlilisik ang mga mata. Bahagyang gumalaw ang itim na panyong nakatakip sa kalahati ng mukha niya at umangat ang kanang pisngi, malamang nginisihan ako. Nagpalit-palit ang tingin ko sa kaniya at kay Cheska na hanggang ngayon ay abala pa rin sa paghahanap ng panyo niya. Hindi man lang niya naramdamang may tao na pala sa likuran niya.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasiTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...