Baul

2 0 0
                                    

Matagal nang bumaba ang araw nang gabing iyon at ang simoy ng hangin ay malamig dahil sa hanging habagat mula sa timog. Ang mga tao ay nasa kani-kanilang pamamahay naghahanda ng pananghalian, kumakain o nanonood ng telebisyon. Maririnig kung malapitan sa bawat bahay ang tunog ng telebisyon, mga ingay ng mga taong nag-uusap, o mga sermon ng magulang. Mula sa malayo, isang bahay ang tila walang taong nakatira sa sobrang tahimik nito. Walang bakas ng kilos ang mapapansin sa loob at parang tumigil ang oras sa paligid ng bahay.

Sa loob ng bahay na ito, isang babae ang umiiyak sa kaniyang kuwarto. Mahina lang ang kanyang pag-iyak para hindi lumabas sa kuwarto ang ingay at marinig ito ng lalaki sa sala, kahit na alam niyang walang silbi ang pagtatago niya nito gayong alam na ng lalaki na iiyak siya pagkatapos niyang marinig ang kaniyang sinabi. Pero pinilit pa rin niyang patahanin ang sarili at kumalma. Pinahid niya sa kaniyang malong ang kaniyang luha at lumabas ng kuwarto upang maghugas at isinga ang namuong sipon na bumara sa kaniyang ilong.

Sa palikuran, hindi niya naiwasang makita ang sarili sa salamin at nanlumo siya sa nakita. Naghinayang siya sa laki ng pinagbago niya hindi lang pisikal na anyo kundi sa loob-loob din. Naaalala pa niya noon, siya ang pinakamaganda sa kanilang magkakapatid pagkatapos makapangasawa ng kaniyang ate, kaya siya ang sinunod na ipinakasal ng kaniyang ama kahit na ikalawa siya sa bunso. Marami na ding namanhikan sa kanila pero sa huli ay si Asraf ang napili.

Si Asraf, sa kaniyang pagkakaalala, ay ayos na ayos ang dating, mapagmasid sa paligid at magalang na magalang sa una nilang pagkikita. Manghang mangha siya sa ugali at kilos nito na nasabi niya sa kaniyang ina na hindi na siya nagkukom-kom ng galit sa ginawa nila, bagkus ay nagpapasalamat pa siya. Wala siyang tiwala sa sarili na makakahanap siya ng lalaking tulad niya lalong lalo na't wala sa kaniyang interes ang maghanap ng mapapangasawa noon. Kung sakaniya lang nakasalalay ay baka tumanda na siya bago makaanap ng magiging katipan.

Ang unang taon nila ay parehong nakakailang na nakakatawa. Pareho silang hindi sanay sa buhay mag-asawa at hindi sila komportable sa piling ng estranghero. Pero dahil na rin sa hindi maiwasang pakikisalamuha nila araw- araw at sa pagsisikap ni Asraf ay natuto din silang kilalanin ang isa't isa hanggang sa naging normal na sitwasyon sa pagitan nila. Marami siyang bagong natutunan kay Asraf na nakatulong sa pagintindi niya sa pagkatao nito, katulad na lang ng pagiging mapagbiro nito kung kaya imposible ang magalit ng totoo sa kaniya, at sa pagiging sobrang relihiyoso nito. Limang beses siyang magsimba kahit na marami siyang ginagawa at pagod siya at nagbabasa din siya ng Quran gabi-gabi. Gustong- guto niyang pakinggan ang pagbasa nito lalong lalo na ang kaniyang boses, kalmado ito at nakaka payapa sa kalooban. Dumadalo din siya sa mga seminar at aktibo siya sa Masjid. Kahit papaano ay bilib din siya sa pursigido ng kanyang asawa.

Sa ikalawa nilang taon ay nagsimula nang magbiro si Asraf tungkol sa pagkakaroon ng anak. Hindi niya ito sineryoso dahil masyado pang maaga at isa pa wala pa sa kaniyang plano ang magkaanak. Natigil ang kaniyang pagmuni-muni ng makarinig siya ng ingay mula sa sala. Dali dali niyang tinapo ang ginagawa at bumalik sa kuwarto.

Pagpasok niya sa kuwarto, napatigil siya sa kaniyang kinatatayuan sa pintuan ng makita niya ang mga nakapatong gamit sa itaas ng kabinet. Kumuha siya ng upuan upang patungan at kinuha ang mga aladin, tabak, mamahaling baso at iba pa. Marami na din siyang natanggap na ganitong regalo sa kasal at sa rami nito ay sa kuwarto na niya inilagay ang iba. Ibinaba niya ang mga ito at sandal siyang natigilan sa sunod na gagawin. Ipinasya niyang ipagpabukas na ang paglabas sa mga ito. Ang importante ay mawala ito sa kaniyang paningin. Bumaba na siya at pupunta na sana siya sa kanyang kama ng may naalala pa siyang kailangan niyang atupagin. Sa sulok ng kuwarto ay isang baul na kinalalagyan ng mga pamana ng mga babaeng ninuno niya kasama na ang kanyang ina-a-bae at nanay. Sa kaniya ito ipinamana ng kaniyang nanay dahil siya ang pinakapaborito. Ngayon kapag iniisip niya kung ano ang magiging reaksiyon nila at ng kaniyang mga kapatid kung malaman nila ang nangayari ay nakadarama siya ng kahihiyan sa sarili sa isang bagay na wala siyang magawa.

Lumapit siya sa baul at kinuha ang maalikabok na mantel na nakapatong sa taas nito. Pagbukas niya nito, sumalubong sa kaniyang paningin ang iba't ibang mga gamit at damit na matagal na niyang hindi nakikita. Dali dali niyang hinukay ang mga ito pero hindi niya nakita ang hinahanap. Para na rin hindi mawala sa pagkaka organisa ay kinuha niya isa isa ang mga ito at inilagay sa mesa. Nilalalaman nito ang isang sapatos na bigay sa kaniya ng kanyang lola. Ito ang pinakapaborito niyang sapat at naaalala pa niya noon na sinusuot niya ito kahit sa pagtulog. Medyo kupas na ito ngayon pero ang ganda nito ay nananatili pa rin. Mayroon ding ibang sapatos dito pero hindi na niya naaalala kung sinong may- ari. Nandoon din ang unang make up kit na bigay sa kaniya. Natawa siya sa sarili sa pagkakakita nito, hindi niya inaakalang tinuturin palang kayamanan ng kanyang dating sarili ang bagay na ito. Marami siyang mga damit na nakita at ang iba nito ay pamilyar habang ang iba ay ikinuwento lang sa kaniya ang istoriya sa likod nito ng kaniyang ina. ang iba sa mga damit na ito ay mga wedding dress ng kaniyang angkan. Mga malong din ang iba dito na siyang ginagamit sa pagpapakasal noong una. Ang pagkakita niya sa mga ito ang nagpa alala sa kaniya sa kaniyang hinahanap. Kahit na siya ang pinakahuling naglagay ng wedding gown ay naghinayang siya bakit ang sakaniya ang nasa pinaka ilalim. Pero sa isang banda ay baka intensiyonal talaga niya itong inilagay para sa pagbigay niya sa kaniyang anak ay huli niya itong makikita. Pinagpatuloy niya ang paghahanap hanggang sa nakita niya ito at kinuha.

Nang walang ano ano ay nakarinig siya ng pamilyar na boses na palagi niyang naririnig tuwing gabi. Nagbabasa na naman siya, ang kaniyang naisip. Nakaramdam siya ng pagka inis at galit sa pagkarinig nito, animoy parang ipinaparamdam sa kaniya ni Asraf na siya ay makasarili sa hindi niya pagsang-ayon sa kaniyang pagpapakasal ulit. Kahit na alam niyang kailangan niyang pumayag, hindi pa rin niya masisi ang sarili sa nararamdaman. Ano na lang ang gagawin niya kapag nag asawa na siya ulit? Nasanay na siyang kapiling siya, sa pagtulog, paggising, pag kainan na walang kakompeteniyang iba. Pero ngayon hindi ibang babae ang kaniyang karibal. Mabuti sana kung babae lang, dahil alam niyang maganda pa rin siya at nahuhumaling pa rin sakaniya si Asraf, pero ang problema ay hindi niya ito kayang solusyunan.

Napaisip siya sa kanyang ate at ang kaniyang asawa. Marami na silang anak ngayon at nalosyang na ang kaniyang ate dahil dito. Pero ang dahilan ng pangaangaliwa ng kaniyang asawa ay dahil sa wala na siyang oras para sakaniya. Nanghinayang siya sa kabaliktaran ng kanilang pagkakataon. Marami siyang oras para kay Asraf pero ang tanging gusto nito ay hindi niya kayang ibigay. Hanggang ngayon, sa apat na taon nilang pagging mag-asawa, hindi pa rin siya makapaniwala na nasa kaniya ang problema. Ngayon lang talaga niya napagtanto kung gaano kagusto ni Asraf ng anak.

Napatingin siya ulit sa damit sa kaniyang paanan. Bukas, itatago niya ito kasama ng mga regalo sa kaniya sa isang sulok ng kanilang bahay na kung saan hindi niya ito makikita. Ayaw na niyang makita pa ang mga bagay na magpapaalala sa kaniya sa pagpapakasal ni Asraf. Alam niyang mahahati na ang oras niya, at kapag nagka anak na ang babae ay mas lalong aatupagin na sila. Ito ang katotohanang dapat na niyang tanggapin. Bukas, kakausapin na naman siya ni Asraf, hihingin ang kaniyang permisyon at kapatawaran. Depende sa kaniyang nadarama ay baka mag- away na naman sila. Kailangan din niyang kausapin ang kaniyang ina at sabihin sa kaniya ang nangyari. Pero ngayon ay magliligpit muna siya at matutulog. Kakalimutan niya ang kaniyang problema at ipasasa bukas ang mga ito.

Pumunta na siya sa kaniyang kama at naghandang matulog. Kailangan na rin niyang masanay na matulog mag isa.

KATAPOSAN

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 10, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

BaulWhere stories live. Discover now