Isa. Isang araw ay nakita kita noong ako'y nag-iisa. Kakaiba. Alam kong may kakaiba. Hindi ko lang maipaliwanag kung ano. Basta ang alam ko, may kakaiba sa'yo.
Dalawa. Dalawang ulit kumunot ang aking noo. Ano ba ang pakialam ko? Kakakilala ko pa lang sa'yo. Bakit napaisip kaagad ako ng ganito. Walang espesyal sa'yo.
Tatlo. Tatlong beses kong kinumbinsi ang sarili ko na kagaya ka lang din ng iba. Hindi ka espesyal. Kagaya ko. Walang espesyal sa buo kong pagkatao. Pero...
Apat. Apat na beses akong sinampal ng katotohanan. Hindi ka kagaya nila. Mas lalong hindi ka katulad ko. Mas higit ka. At sa una pa lang, napansin ko na, 'di ba?
Lima. Limang beses akong napailing. Kakakilala ko pa lang sa'yo pero mukhang malakas na ang kapit mo sa akin. Na buong sistema ko ay plano mo rin yatang guluhin. Ikaw na ba ang sagot sa aking hiling?
Anim. Anim na beses kong sinubukang kausapin ka. Hindi ko nagawa kasi hindi ako sigurado kung ako ay papansinin mo ba. Dahil wala namang nakakapansin sa akin. Dahil sa...
Pito. Pitong bilyon mahigit na tao sa mundo, bakit ako ang mapapansin mo? At ang nakakatawa... pitong bilyong tao, bakit ikaw pa ang nakita ko no'ng nag-iisa ako?
Walo. Walong beses kong sinabing hindi ako lalapit sa'yo. Walong beses ko ring kinain ang sinabi ko. Sanay akong hindi napapansin, pero puwede bang tumingin ka sa akin? Kailangan ko ng makakausap, at sa tingin ko ay iba ka. Hindi ka kagaya nila.
Siyam. Siyam na beses kong kinurot ang aking sarili. Hindi lang ako makapaniwala. Paanong ang kagaya mo ay may pakialam sa isang katulad ko? Sa isang tao na nawalan na rin ng pakialam sa sarili niya. At sa tuwing sinasabi kong hindi ako gano'ng kahalaga...
Sampu. Sampung beses na paulit-ulit mong ipinapaintindi sa akin na hindi ko man makita ang halaga ko sa iba, na hindi ko man makita ang halaga ko sa sarili ko ngayon... Mahalaga ako sa'yo. At siguro iyon ang pinakamahalaga sa akin sa ngayon. Ang malamang may halaga ako sa'yo. May halaga pa ako. At nararamdaman ko... unti-unti ay naniniwala na ulit ako.
Nakapagpasalamat na ba ako sa'yo? Sana alam mo rin na mahalaga ka sa akin. Kasi kung hindi, simula sa isa ay ulitin muli natin.
-----
Napanuod ko ang "Kita Kita". So obviously, na-inspired akong gawin ang "Isa hanggang Sampu" style na 'yan. XD
Kaya ang title nito ay gano'n. Ashiyu. Wala lang. I just love the hidden message.
Ashiyu. I see you. ;-)