Minsan iniisip ko kung totoo ba akong nabubuhay o bahagi lang ako ng isang laro’t tampulan ng katatawanan ng mga nilalang na hindi ko nakikita. Na baka lahat ng nangyayari – ang mga panandaliang saya at mga nangyayaring hindi maganda – ay upang mawala ang pagkabagot nila. Na baka lahat sa buhay ko ay naka-plano na at ang magiging katapusan nito ay naisulat na. Na akong nasa loob ng laro ay walang ideya na kahit ano pang naisin ko sa buhay, na kahit anong plano pang gawin ko, ay hindi ko na mababago ang aking kapalaran. Na ang mga nangyayari at mga mangyayari pa ay sa mga naglalaro nakasalalay.
'Hanson!' Isang pamilyar na tinig ang bumasag sa aking pagkakatitig sa kawalan. 'Bata ka, nandyan ka na naman sa bubungan.'
'Opo, 'nay. Bababa na po.' sagot ko.
Ngunit imbis na sumunod ay muli akong nahiga at sa pagkakakataong ito ay ipinikit ang mga mata. Dito lang kasi ako sa bubong nakakaranas ng kapanatagan. Dito ko lang nagagawang kalimutan lahat ng bagay na bumabagabag sa aking isipan.
Habang nakapikit ay iniisip ko kung papaano ko ba ipakikilala ang sarili ko kung sakaling iku-kuwento ko ang aking buhay. Maganda sana kung sa umpisa pa lang ay puno na ng aksyon. O matinding drama. Yung tipong kakaawaan ako ng lahat o di kaya ay hahangaan sa taglay kong katapangan. Yung tulad ng mga bida sa pelikula. Ngunit kapag ginawa ko iyon, ang kwento ko'y magiging parang isang kathang isip lamang. Dahil sa totoo, wala namang kaabang-abang tungkol sa aking buhay.