Naniniwala pa rin akong bilog ang mundo...
Na maaaring ang kapatid ng kaklase ng kaibigan ko ay makikilala ko...
Na puwedeng ang kapit-bahay nang may-ari nang asong madalas kong takbuhan ay magiging parte ng buhay ko...
Na posibleng ang taong nakasakay ko sa jeep no'ng nakaraang taon ay makakasakay ko ulit ngayon...
Na baka ang kakilala no'ng kakilala ko ay makakasalubong ko at maaaring may magbago sa buhay ko ngayon.
Na may posibilidad na ang taong nakita ko sa internet ay magkaroon nang malaking parte sa buhay ko...
Dahil bilog ang mundo... iikot ito. At kahit mukhang magulo, kahit matagal ang proseso, iikot ito at makakasalubong mo ang mga taong magiging bahagi ng buhay mo.
Kahit umiba ka pa ng daan. Sumakay ka man sa ibang jeep. Lumipat ka man sa bago mong tirahan. Kahit elepante pa ang humabol sa'yo...
Kung magiging parte sila ng buhay mo, kahit anong iwas mo... magiging parte sila ng buhay mo.
Iikot ang mundo. At magkakasalubong ulit kayo.
Dahil hindi natin mapipigilan ang pagdating ng mga taong nakalaan para pumasok sa buhay natin.
Dahil kahit anong pag-ikot, kahit saan pa tayo magpasikot-sikot. Kahit dumaan pa tayo sa kalyeng baluktot...
Mahahanap pa rin nila tayo. Mahahanap natin sila.
Naniniwala pa rin akong bilog ang mundo...
Maaaring umiikot ito sa akin ngayon, naniniwala akong iikot naman ito bukas para sa'yo.
At kung hindi man tayo magkasalubong ngayon, hindi man mabilis ang pag-ikot ng panahon...
Gaano man katagal...
Nalagpasan ka man...
Iikot ulit ito pabalik sa'yo.
Dahil bilog nga ang mundo... At kahit gaano pa kalawak ito. Gaano man kalaki...
Nasa iisang mundo pa rin tayo. At sana kagaya ko, naniniwala ka na ang mga taong akala mo ay nadaanan mo lang...
Ay inilaan talaga para makilala mo. Dahil sa laki at lawak ng mundo, sa dami ng taong nakatira rito...
Nagpakilala siya sa'yo.
Nakasalubong mo siya ng higit pa sa inaasahan mo.
At hindi rin aksidenteng nagkangitian kayo.
Dahil ang totoo niyan, iniikot tayo ng bilog na mundong ito sa mga taong gusto niyang makasama ko. Makasama mo.
Walang malapit. Walang malayo.
Magkakasalubong tayo.