CASE 2: CHARMI

39 1 1
                                    

"Psst..."

"Oh?"

"Psst..."

"Ano?"

"Bili tayo ng pagkain."

Pasimple kong tinapunan ng tingin ang professor namin na kasalukuyang idini-discuss sa harap ng klase kung paano bumuo ng baby, bago ko binulungan ang katabi ko. "May lesson pa si Sir, tungaw."

Pero, hindi natinag ang loko. Nginisihan niya lang ako na para bang nanghahamon, bago siya yumuko at maingat na maingat na maingat na lumabas ng classroom. Salamat sa maingay na aircon ng room 204 dahil pansamantalang nabingi ang professor namin mula sa pagbukas-sara ng pinto ng kuwarto. Napailing ako at idinukdok ang mukha ko sa mga palad ko. Hindi pa man ako nakaka-recover, naramdaman kong nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa ng school pants ko maya-maya.

Nag-text ang mokong. Lumabas daw ako ng classroom. Iniwan niya raw kasi sa akin ang wallet niya kanina. Kung 'di daw ako lalabas ay magugutom siya, sasakit ang tiyan niya, at ma-o-ospital siya, at sa huling parte ng text message niya ay may nakakainis na sad emoticon na halatang nagpapaawa. Bahagyang bumagsak ang mga talukap ng mga mata ko. Mautak talaga ang tungaw na 'to. Puwede ko naman siyang papasukin uli sa classroom para sa wallet niya, pero alam ko na ang magiging sagot ng isang 'yon.

Malinaw na malinaw na gagawa at gagawa siya ng palusot kasi gusto niya talaga akong idamay sa kalokohan niya. Tsk. Nanalo na naman siya, uwian na. 

'Pagkatapos ng buwis-buhay kong 'paglabas ng classroom (at salamat naman, dahil walang nakapansin ng 'paglabas ko), naabutan ko siyang nakasandal sa glass wall panel na katabi ng elevator. Nakapasak ang mga kamay niya sa mga bulsa ng pantalon at nakapikit siya na para bang may masakit sa kanya.

Tumayo ako sa harap niya nang hindi niya napapansin. Parang nakatulog yata 'to nang nakatayo, kakaiba ang taong 'to. Humakbang pa 'ko ng konti palapit sa kanya. Ilang dangkal lang ang pagitan ng mga mukha namin. 

Tinitigan ko siya. Saka ako bumulong, "Kent."

Kitang-kita ko kung paano siya unti-unting nagmulat ng mga mata, na para bang naka-slow motion ang lahat. Pero, hindi ko mabasa ang ekspresyon ng mukha niya. At katulad ng pagtitig ko sa lalaking ito, gano'n din ang ginawa ni Kent sa akin. Mukhang siyang tanga, sa totoo lang. Wala siyang karapatang magpa-cute. Itinaas ko ang mga kamay ko at kinurot nang madiin ang magkabila niyang pisngi niya.

"Bago 'yang talent mo, 'ha? Ituro mo naman sa'kin kung pa'no matulog nang nakatayo," hinila ko ang pisngi niya at lumabas ang gilagid ng mokong. Ayan, 'di na siya cute. Pero, paker...

Kumindat siya.

"Mukha kang tae. 'Di bagay sa'yo," sabi ko sa kanya habang nakangiwi. Ginulo naman niya ang magulo kong buhok dahil nakalimutan kong magsuklay nang umagang 'yon. Di bale, maigsi naman. 

Bilang ganti, inihilamos ko ang kamay ko sa mukha niya saka ko siya hinila papasok sa elevator na walang laman, na saktong kadarating lang. Pigil ang mga tawa namin habang nasa loob. Pinagtitinginan na nga kami ng operator, na malamang ay naiinis sa tunog ng pigil naming mga bungisngis. Agad akong hinila ni Kent palabas nang makarating sa ground floor ang elevator. Noong nasa quadrangle na kami, nagtaka pa 'ko nang bigla kaming lumiko sa hallway papunta sa Tourism Building ng university.

"Oy, akala ko ba bibili tayo ng pagkain?" tanong ko habang nakasunod sa kanya.

Nilingon niya 'ko. "Sasama daw si Juliet."

"Ah."

Tahimik kaming naglakad papunta sa building kung nasaan si Juliet, at unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ni Kent sa braso ko hanggang sa bitiwan niya 'yon. Sa labas ng isa sa mga room ng tourism class, naabutan naming nakatayo ang isang magandang babae na nakasuot ng black uniform skirt, at naka-bun ang buhok. Angat ang kaputian at nangingintab ang balat niya sa suot na uniform. Nilingon ko naman ang tinted glass window na nadaanan namin ni Kent papunta sa kinaroroonan ni Juliet. Napasimangot ako sa repleksyon ko. Mukha akong libag. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 02, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Kagagahan ChroniclesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon