Ako ay ako.
Hindi ako magiging siya. Hindi siya magiging ako.
'Wag mong hanapin sa akin ang mga bagay na mayroon siya na wala ako. Dahil mayroon ako ng mga bagay na wala rin siya.
Ako ay ako.
Siguro nga ay hindi ako kasing husay niya. Pero may bagay rin naman na magaling ako.
Hindi man kita madalas mapatawa katulad niya. Hindi naman kita papaiyakin kagaya nang madalas niyang gawin sa'yo.
Ako ay ako.
Itigil mo ang pagkumpara mo sa akin sa iba. Dahil ako ito... hindi sila.
Baka nga. Baka nga marami ang kakulangan sa akin hindi katulad nila. Pero bukas naman ang puso ko sa mga taong handang punan ang kakulangan kong palagi mong nakikita.
Ako ay ako.
At kahit hindi mo makita ang tunay kong halaga, pahahalagahan pa rin kita.
Dahil ako ito. Ganito ako.
Maraming mga bagay ang mahina ako. Pero matapang ako.
Natatakot man ako madalas. Kinakabahan. Nanliliit. Mahina ang loob. Minsan ay walang tiwala sa sarili...
Pero ako pa rin ito. At sa kabila ng mga kahinaan, kakulangan at kapalpakan ko...
Hindi ako bumibitaw sa mga taong mahal ko.
At umaasa ako... na sa dami ng negatibong bagay na nakikita mo... ay napapansin mo pa rin na may magandang katangian ako.
Hindi malaki ang utak ko. Pero hindi kita pagdadamutan ng lugar sa buhay ko...
At baka gusto mong manatili... kahit pa na bukod sa piraso ng puso ko, wala na akong maiaalok sa'yo.
Dahil ganito lang ako.
Ako ito.
At kung may mga bagay kang hindi tanggap na matagal ko nang tinanggap sa sarili ko...
At kung sa kabila ng lahat ay kulang pa rin ako...
Sana ay makahanap ka ng hindi ako.