Araw-araw ko siyang tinitignan. Ito iyong matagal ko nang hiniling. Iyong makita ko siya palagi, makasama ko siya palagi, masigurado kong walang mangyayaring masama sa kanya.
Pagsapit ng umaga, kailangan na niyang imulat ang mga mata niya kasi kailangan na niyang pumasok. Hala, mali-late na siya sa klase niya! Nilapitan ko siya at binalak paluin tulad ng kung paano ko siya lambingin. Pero natigilan ang kamay ko sa ere. Ibinaba ko ang kamay ko at umupo na lang sa tabi niya. Pinagmasdan kong maigi ang kanyang mukha at dahan-dahang idinaan ang daliri ko sa pisngi niya. Bigla siyang gumalaw. Nagulat ako kaya hinila ko ang kamay ko. Kinamot niya ang pisngi niya sa parte kung saan ko dinaan ang daliri ko, nag-unat, at minulat na ang mga mata. Bumangon na siya at tinignan ang litrato naming palaging nasa tabi ng higaan niya. Dahil dito, lumiwanag ang mukha niya nang mabahiran ito ng ngiti pero nadurog ang puso ko noong may namuong luha sa mga mata niya. Agad niyang idinaan ang braso niya sa mata niya, bahagyang suminghot, at tumayo na.
Matiyaga ko siyang hinintay sa tapat ng silid-aralan niya. Nakaupo lang ako at inoobserbahan lahat ng taong dumadaan sa harap ko tulad ng palagi kong ginagawa. May mga nag-aaral, nagka-cramming, magkakaibigang nagtatawanan, nagkekwentuhan, mga taong abala sa kani-kanilang responsibilidad. Pero bigla akong natigilan. Narinig ko ang pangalan niya. Nagmula ito sa dalawang dalagang nag-uusap sa tabi ko.
"Sa tingin mo ba darating din iyong araw na ituring niya akong higit pa sa kaibigan?"
"Oo, girl, mag-antay ka lang. Bigyan mo lang siya ng panahon. Makakalimutan din niya iyon."
Tumulo ang luha ko.
Bago pa ako makapagsalita, bumukas na ang pintuan ng silid sa harapan ko at nakita ko na siya ulit.
Lalapit sana iyong dalawang dalaga sa kanya pero hindi na nila siya mahabol dahil sa bilis ng lakad niya. Napangisi ako at tinapat ang bibig ko sa kanila. HA-HA. Mapang-asar ko pang sinabi.
Hinabol ko siya at nakapag-iwan ako ng malakas na hangin sa dinaanan ko kaya nagsiliparan ang mga hawak na reviewer noong dalawang dalaga at nagkatinginan na lang sila pagkatapos.
Dumating na ang gabi. Magkasama kami sa kwarto at nakakalat ang mga librong kailangan niyang aralin at mga research papers na kailangan na rin niyang tapusin. Pero nakatingin lang siya sa kawalan habang nasa tabi niya ako.
Araw-araw ko siyang tinitignan. Ito iyong matagal ko nang hiniling. Iyong makita ko siya palagi. Makasama ko siya palagi. Masigurado kong walang mangyayaring masama sa kanya.
Pero hindi sa ganitong paraan.
Kailangan ko na siyang palayain.
Dahil mas mahalaga sa akin na makita ko siyang masaya kumpara sa nakikita ko siyang nagluluksa.
Tumulo ang luha ko, napangiti, at dumating na ang liwanag kung saan na ako nararapat.
BINABASA MO ANG
Lingering Souls
Short StoryAno nga bang gagawin mo kung biglang hindi mo na maaaring makasama ang minamahal mo? Ipipilit mo pa ba?