Dalawang linggo na lang, graduation na. At hindi na rin maitatanggi ang nararamdamang excitement, pressure at pagod ng mga estudyante. Sa loob ng dalawang linggo, iiwanan na namin ang school na apat na taon din naming naging pangalawang tahanan. Mamimiss ko rin ang pagpasok dito dahil alam ko kung gaano kalaki ang kaibahan ng high school sa kolehiyo. Kung sa high school ay ayos lang ang magpakasaya ka o mag-chill, sa kolehiyo ay dapat na seryosohin mo na ang lahat. Iba na rin ang pressure at stress. Marami rin akong nakilala na mga kaibigan dito kagaya ni Dylan, at pati na rin ni Luis, na ngayon ay manliligaw na ni Kyle. Isang linggo na ang nakakaraan pagkatapos ng prom noong ibinalita iyon sa akin ni Kyle at hindi niya mapigil at maitago ang kilig at tuwa niya. Pero gusto niya raw munang subukin kung seryoso ba talaga si Luis kaya naman kahit na alam kong gusto na niyang sagutin si Luis ay hindi niya pa rin ginagawa, kahit na magdadalawang buwan na itong nanliligaw sa kaniya.
Hindi pa rin tumitigil ang nagbibigay sa akin ng bulaklak sa upuan ko. At dahil hindi na nagkaklase pa ang mga teacher namin dahil busy na rin sila sa pag-aasikaso ng graduation namin ay hindi ko pa rin matiyempuhan na maabutan ang taong palaging nag-iiwan nito sa upuan ko. Kahit itanong ko pa ang mga kaklase ko ay wala rin daw silang alam, dahil kahit pa ang mga pinakamaagang pumasok sa aming magkakaklase ay nauunahan ng tagapagbigay ko ng bulaklak. Sa palagay ko, talagang maingat siya na hindi siya mahuli o makita ng kung sino man. Palagi na rin siyang may sulat na ibinibigay kasama ng bulaklak, na lalong nakakatuwa at nakakalambot ng puso.
Dahil gusto ko nang malaman kung sino ang lalaking nagbibigay sa akin tuwing umaga ng bulaklak, nagdesisyon ako na ako na mismo ang kikilos upang hulihin siya. At dahil nga wala nang klase sa amin, tanghali na rin kung magsipasok ang mga estudyante. Pero sa pagkakataong ito, hindi ako kasama sa mga iyon dahil sasadyain ko na pumasok ng napakaaga para maaktuhan ko ang pagpasok niya.
Alas-sais pa lang ng umaga ay gumayak na ako at dumeretso sa school. Kahit na medyo inaantok pa ako ay pinilit kong pumasok sa room at nagtago sa likod ng mesa ng aming teacher. Madilim ang paligid dahil sinadya ko na wag buksan ang ilaw para hindi niya mahalata na may tao na sa loob. Ilang minuto pa ang lumipas at halos makatulog na ako sa pinagtataguan ko nang dahan-dahang bumukas ang pintuan ng room. Pero gaya nga ng inaasahan ko, maingat talaga siya dahil hindi niya man lang binuksan ang ilaw at tahimik siyang naglakad papunta sa upuan ko. Hindi niya siguro ako napapansin, pero nakasilip ako ng bahagya sa likod ng mesa, at kitang-kita ko ang bawat kilos niya. At nang mailagay na niya sa upuan ko ang sunflower at ang envelope na may sulat, maingat at tahimik ulit siyang lumabas ng room. Noong malapit na siya sa pintuan ay dahan-dahan na rin akong naglakad at sumunod sa kaniya. At noong lalabas na siya ng pinto ay bigla ko siyang tinawag, na halatang ikinagulat niya dahil napatigil siya sa kinatatayuan niya.
"Sino ka?" tanong ko sa kaniya, pero bago pa man siya makalingon o makasagot ay mabilis siyang lumabas ng pinto at kumaripas ng takbo. Tumakbo rin ako at hinabol ko siya, pero sadyang mas mabilis siya kaysa sa akin. Bigla na lang siyang naglaho. Pero nakita ko ang likod niya. Matangkad siya at maputi, at kagaya ko ay dito rin siya nag-aaral dahil sa suot niyang uniform. At sa tingin ko ay sapat na 'yun upang kahit papano ay makapagsimula ako na hanapin kung sino man siya.
BINABASA MO ANG
Afraid to Fall
RomantizmAfter being heartbroken by her boyfriend, Benice struggles to move on. She finds herself building walls to protect her own heart from being broken again by loving someone who will definitely just tear her apart, once again. But will she learn to ope...