Buhangin

78 0 0
                                    

Sunday, April 13, 2014

JC Lipa

 Malamig man sa labas ay mas malamig naman sa loob niya. Yelo na ito.

Malamig ang hangin na dumarampi sa buo niyang katawan at pagkatao. Tila ba nahuli nang dumating ang hangin ng Pasko gayong Enero na ngayon. Sa isang banda, isang puno ng niyog sa labas ang matatag pa ring nakatayo sa gitna ng lamig.

Ayon sa mga sabi-sabi ay marami na ang namatay at nangangamatay sa lamig. Isa siya sa mga ito. At noon ay hindi niya napanood ang balita.

Tahimik sa labas subalit maingay ang loob niya.

                                                         * * * * * * * * * *

Noon ay agad siyang umuwi upang buklatin ang libro nila sa Araling Panlipunan at English; hinawakan ang pentel pen at nilatag ang manila paper upang isulat ang mga report niya para bukas- ang tatlong paring martir na binitay noon at ang kwento ukol sa kahon ni Pandora. Dito ay naalala niyang madalas siya noong gabayan ng nanay niya kung paano ire-report ang topic niya kapag may mga ganitong reporting sa kanila. Noon iyon.

At noon naman kapag walang mga report na kailangang gawin ay manonood sila ng TV. Kaya naman agad siya ngayong tumayo upang buksan ang TV. Balita. Puro balita. Ayaw niya ng mga balita. Walang maganda sa mga balita- mga nasalanta, mga aksidente, mga kurakot. Subalit sa kabila nito ay kinailangan niya itong buksan para lang basagin ang katahimikan.

Dumating ang tatay niya at nakita siyang nanonood ng TV. Agad nitong tinignan kung ano ang pinapanood ng anak at nang makitang balita ang palabas ay pinatay niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata at agad na tumalikod ang ama.

"Gawin mo na iyang ginagawa mo."

Patlang.

"Nag-text nga pala si Kim. Kung may short story ka na raw sa Filipino?"

Patlang.

Upang basagin ang katahimikan ay binuksan ng tatay niya ang radyo.

"Bakit tila walang natira?" sabi ng awit ni Gloc-9.

Nang marinig ito ng ama ay nilipat niya ito agad sa isa pang estasyon.

"Bumilis na ang araw upang ako'y makabalik," wika naman ni Roel Cortez.

Napatitig siya sa ama niya, nalilito sa mga kilos nito. Nang tila nasundot na siya ng mga titig ng kanyang anak ay pinatay niya ang radyo at pinatong sa tabi nito ang isang chocolate bar.

Patlang.

Subalit sa loob niya ay naalala niya ang nanay niya na ilang kahon ng mga mamahaling chocolate ang pasalubong lagi para sa kanya.

Nang matapos niya ang pagsulat sa mga report niya ay agad niyang dinako ang luma nilang typewriter para simulan sana ang assignment sa Filipino subalit tila walang lakas ang kanyang mga daliri at pundido ang kanyang puso at isip.

Pinako niya muna ang tingin sa labas at pinakinggan ang tunog ng katahimikan na binabasag lamang ng ihip ng malamig na hangin. Matapos langhapin ang malamig na hangin ay isinara na niya ang bintana, naupo, pinako ang titig sa hourglass na katabi ng isang munting cactus na kapwa pasalubong ng nanay niya sa kanya at ngayon ay nakapatong sa may bintana nila, at doon ay sinimulang hawakan ang bawat titik ng typewriter upang palayain ang nagpupumiglas na diwa. Pinakawalan na niya sa wakas ang sarili na nakatikom man ang kanyang mga mata ay tila nakita niya ang mga titik na susi sa isang daigdig.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 11, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BuhanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon